Ni ANTHONY GIRON

IMUS, Cavite – Nasawi ang isang 46-anyos na lalaki at dalawa niyang anak na paslit makaraang masunog ang kanilang bahay sa Parklane Subdivision sa Barangay San Francisco sa General Trias, Cavite, kahapon ng madaling araw.

Ayon sa paunang police report, sinadya ng ama ng mga bata ang sunog bandang 2:00 ng umaga, matapos silang mag-away ng kanyang kinakasama.

Nadiskubre ng mga bombero ang sunog na bangkay nina Gerymil Manaog Labitag, 46, electrician; Gerymilee, dalawang taong gulang; at Gerymaya Kent, isang taong gulang, sa loob ng silid ng bahay.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ayon sa pulisya, sa nasabing silid nanatili ang dalawang bata makaraang ikandidado iyon ni Gerymil matapos silang mag-away ng kanyang live-in partner na si Clarita Boca de Vega, 37 anyos.

Nagkandado sa silid si Gerymil matapos siyang magbantang papatayin si de Vega at ang pitong taong gulang na anak nito.

Nabatid na mabilis na nakalabas ng bahay si de Vega upang magpasaklolo sa mga barangay tanod, subalit nang pakiusapan ng mga ito si Gerymil ay sumigaw umano ang suspek: “Sa kabilang buhay na lang tayo mag-usap!”

Nang makiusap ang mga tanod na sumuko na lang si Gerymil at buksan ang pinto ng silid, dinagdagan pa ng suspek ang kandado bago sinilaban ang silid.

Hindi pa matiyak kung ano ang ginamit ng suspek upang silaban ang kuwarto.

Sinabi nina PO1 Ronald Barbuco Didal at SPO1 Fruelan Mendeja Manic na naabo ang bahay na gawa sa light materials, at tinaya sa P100,000 ang halaga ng pinsala.