Ni REY G. PANALIGAN
Sisimulan ng Presidential Electoral Tribunal (PET) ngayong umaga (Abril 2) ang manual recount at revision of ballots sa tatlong lalawigan na tinukoy ni dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang protesta laban kay Vice President Ma. Leonor “Leni” Robredo.
Nakatakda para sa manual recount at revision ang mga balota sa 1,400 boxes na ipinadala ng PET, binubuo ng lahat ng Supreme Court (SC) justices, mula sa mga lalawigan ng Camarines Sur, Iloilo, at Negros Oriental.
Tatlong miyembro ng ad hoc committee ang itinalaga ng PET para pamahalaan ang 50 sets ng revisors na magsasagawa ng manual recount at revision sa 5th floor ng SC-Court of Appeals building sa Padre Faura St., Ermita, Manila.
Habang naka-indefinite leave si Chief Justice Maria Lourdes P. A. Sereno, si Senior Justice Antonio T. Carpio ang aaktong chief justice at acting head ng PET.
Miyembro ng PET ad hoc committee ang mga abogadong sina Jose Lemuel S. Arenas, Edgar O. Aricheta, at Ma. Carina M. Cunanan.
Ngayong araw din, sisimulan ng SC ang summer sessions nito sa Baguio City kung saan naka-pending ang quo warranto case na inihain ni Solicitor General Jose C. Calida laban kay Sereno na inaasahang tatalakayin simula bukas (Abril 3).
Inaasahang tatalakayin at dedesisyunan din ng SC kung magsasagawa ng oral argument sa kaso na humihiling na i-disqualify at alisin sa puwesto si Sereno bilang pinuno ng hudikatura.
Ito ang unang manual recount at revision of votes sa election protest na gagawin ng PET. Ang naunang election protest gaya ng 2004 presidential sa pagitan nina President Gloria Macapagal Arroyo at namayapang aktor na si Fernando Poe Jr. ay hindi umabot sa recount.
Batay sa election results, si Robredo ang idineklarang nagwagi sa vice presidential race sa botong 14,418,817 o lamang ng 263,473 kaysa 14,155,344 boto ni Marcos.
Naghain din si Robredo ng counter-protest laban kay Marcos. Pinagsama ng PET ang dalawang kaso.
Batay sa schedule ng PET, ang recount at revision ay gagawin araw-araw, mula Lunes hanggang Biyernes, at magsisimula 8:30 ng umaga hanggang 4:30 ng hapon, na mayroong 15-minutong break at isa at kalahating oras na lunch break.
Magkakaloob ng seguridad sa lugar ang mga miyembro ng Philippine National Police, Philippine Coast Guard, Police Security Protection Group at PET guards.