MAHIGPIT na ipatutupad ng Senado ang patakarang “sub judice” kapag isinagawa nito ang impeachment trial kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno, sinabi ni Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III sa isang panayam bago magbakasyon ang Kamara nitong Mahal na Araw.
Batay sa patakarang “sub judice” sa Rules of Procedure on Impeachment Trials, bagamat kinakailangang isapubliko ang paglilitis sa Senado, ang mga senator-judge, mga prosecutor, mga abogado ng depensa, mga testigo, at ang taong patatalsikin sa puwesto “must refrain from making any comments and disclosures in public pertaining to the merits of the pending impeachment trial”, sabi ni Senate President Pimentel.
“You can announce to the public what happened but not the weight of the evidence and say that it will convince the court.”
Pagbabawalan ang mga senador, aniya, na magbigay ng komento sa media hinggil sa kaso. Magtatalaga ang Senado ng tagapagsalita na opisyal na mag-uulat tungkol sa kaso.
Marapat lang na nagpaplano na ngayon ang Senado para sa impeachment trial at naglalatag ng mga patakaran. Ang pagbabawal na magbigay ng opinyon ay ipatutupad, matapos marinig ang lahat ng komento sa loob ng limang buwan na ang kaso ni Sereno ay nasa Kamara de Representantes.
Sa nakalipas na mga buwan, ang mga naghain ng reklamong impeachment ay malayang nakapagpahayag ng kanilang pananaw sa mga pampublikong pagtitipon, kasama ang mga kongresista, mga miyembro ng House Committee on Justice, na makailang beses na nagsabing mayroon silang matibay na kasong isasampa laban sa Punong Mahistrado. Maraming isinahimpapawid na paglilitis ang komite bago nito inaprubahan ang mga impeachment complaint, ngunit aaprubahan pa ito ng Kamara sa plenaryo at ipapadala sa Senado upang litisin.
Bagamat ang mga kasong impeachment ay usaping pulitikal kaysa isyung hudikatura, umaasa si Chief Justice Sereno sa patas na paglilitis sa Senado. Ang proceedings ay nakabase sa court practices. At ang patakarang “sub judice” ang pipigil sa kahit sino na magpahayag ng malabnaw na opinyon. Anuman ang maging pinal na desisyon, sigurado tayo na tatanggapin ito ng mga tao.