Ni Bert de Guzman
NGAYONG Abril 20 ang ika-230 kaarawan ni Francisco Baltazar, lalong kilala sa tawag na Balagtas. Happy Birthday, Ka Kiko. Si Balagtas ang may-akda ng “Florante at Laura” na nagsaysay sa kaliluhan ng mga dayuhan sa Pilipinas. Siya ay kilalang makata na itinulad kay William Shakespeare ng Ingglatera.
Nitong Marso 28, ang ika-73 kaarawan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD). Maligayang kaarawan, Ginoong Pangulo. Sana ay manatili kang malusog at humaba ang buhay upang matupad ang mga pangako sa taumbayan. Ituloy mo po ang paglipol sa illegal drugs, pero hiling namin ay iwasan ang extrajudicial killings at human rights violations.
Tutol ang Office of the Ombudsman (OOO) sa kahilingan ni Janet Lim-Napoles, umano’y Pork Barrel Scam Queen, na mailipat mula sa kulungan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) tungo sa Department of Justice (DoJ).
Para sa mga prosecutor ng OOO, ang kahilingan ni Reyna JNL ay maituturing na “misplaced and twisted sense of entitlement.”
Sa pamamagitan ng kanyang mga lawyer, naghain si Napoles ng mosyon sa Sandiganbayan First, Third at Divisions, na mailipat siya mula sa BJMP custody para ang magkustodiya sa kanya ay ang DoJ sa ilalim ng witness protection program (WPP).
Batay sa mga report, tinanggihan ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II ang rekomendasyon ng bagong likhang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na suspindehin ang mga prosecutor na nag-dismiss sa mga bintang laban sa umano’y drug dealer Kerwin Espinosa at drug lords Peter Lim at Peter Co.
Ayon kay Aguirre, wala siyang nakitang dahilan kung bakit dapat parusahan sina Assistant prosecutors Michael John Humarang at Aristotle Reyes, at ang kanilang mga superior na nag-apruba sa kanilang findings. Samantala, may bagong “kaaway” si Sec. Vits sa katauhan ni Cebu City Mayor Tomas Osmeña. Inaakusahan niya si Osmeña bilang isang drug protector samantalang ginantihan siya ng Mayor bilang higit na drug protector nang i-dismiss ng DoJ prosecutors ang mga kaso laban kina Kerwin, Lim, at Co.
Maganda ang larawan ni PRRD kasama ang mga apo sa kanyang simpleng tahanan sa Davao City noong kanyang ika-73 kaarawan. May titulong Birthday Grandpa na photo mula sa Facebook ni lawyer Manases Carpio, kasama ni Mano Digong ang mga apo na sina Stingray, Yair, Shark, Stonefish, Uno, at Sabina.
Sa naturang photo shoot, si PDU30 ay larawan ng isang mapagmahal na lolo, mabait at masayahin, taliwas sa kanyang pagiging palamura, palabanta at pangahas na personalidad sa publiko!