(Una sa tatlong bahagi)
Ni Dave M. Veridiano, E.E.
ANG mga magsasaka at mangingisda ay kabilang sa pinakakawawang grupo ng manggagawa. Nabibigyan lamang sila ng importansiya tuwing eleksiyon at kapag naupo na ang tinulungang pulitiko, walang humpay naman silang pagsasamantalahan ng mga ito… Sabi nga ng kabataan sa ngayon, “sagad to the bones” na paghihirap hanggang sa susunod na halalan!
At kapag naman biglang nagtataasan ang presyo ng bilihin sa mga palengke at supermarket, sanhi ng kalamidad na tumama sa kanilang sinasaka o pinangingisdaan, sila ang tampulan ng sisi at ang pinagbibintangan na tumitiba nang todo sa ganitong mga panahon.
Subalit taliwas ito sa katotohanang mas matindi pa ang kanilang paghihirap, kumpara sa ibang grupo ng mga yagit sa lipunan na inabot ng ganitong delubyo. At ang masakit dito ay: “Sila ang nagtanim, ang umani, ang nagbayo at nagsaing…subalit nang maluto ay iba ang kumain!”
Maging sa 32 pahinang testimoniya ni “Pork Barrel Queen” Janet Napoles, na may petsang May 26, 2014, makikitang bilyun-bilyong piso, na dapat sana’y tulong para sa magsasaka at mangingisda, ang napunta lamang sa bulsa ng mga pulitiko at taong gobyerno na pinagtiwalaan nilang makasasalba sa kanilang kalagayan!
Ang pinakamasakit dito – sa kanilang pagtanda, kapag nagsimula nang makaramdam ng iba’t ibang sakit sa katawan at hindi na makayang magsaka at pumalaot man lang kahit na sandali – ni pisong pambili ng PARACETAMOL wala silang madukot sa bulsa. Wala kasi silang inaasahang PENSIYON na gaya ng ibang mga manggagawa sa lipunang ating ginagalawan!
Ito ang dumuduro sa aking puso… Ang mga taong kumayod para tayo may makain araw-araw upang mabuhay nang masagana, sa kanilang pagtanda, ay walang masasandalang tulong, maliban na lamang kung masuwerte silang nagkaroon ng anak na nakapagtapos at nagkatrabaho sa siyudad!
Kaya naman nang minsang marinig ko si Department of Agriculture (DA) Secretary Manny Piñol na ipinaliliwanag ang mga proyektong nagawa na, ginagawa pa at gagawin pa ng tanggapang kanyang pinamumunuan, napanganga ako – ‘di ko masabi kung ito ay propaganda, pangako ng isang pulitiko, o kaya ay isang napakagandang speech lamang na gawa ng isang magaling na manunulat – habang isa-isa niya itong ipinupunto sa mga mamamahayag. Bigla kong naisip, isa nga rin palang batikang mamamahayag itong si Piñol bago narahuyong pumasok sa pulitika at ngayon, sa pagsiserbisyo publiko!
Ang tumimo sa aking isipan sa mga sinabi ni Piñol – “Masagana at abot kamay na pagkain para sa Pilipino!”
Sa tulong ng audio-visual presentation, na tumagal ng halos 30 minuto, ipinakita ni Piñol na seryoso ang DA sa mga proyekto nito. Ipinaliwanag ni Piñol na kaya niya sinikap na makadalo sa gabi ng parangal para sa “Binhi Awards” sa Diamond Residences sa Legaspi Village, Makati City, noong Marso 22, 2018 ay nais niyang personal na ipakita at ipaalam sa mga mamamahayag ang katotohanan sa mga ipinagmamalaking proyekto ng DA.
“We have to intensify our efforts in promoting the government’s programs to the farmers so that they can be equipped with enough information for them to achieve progress and for the agriculture industry to be competitive.
The DA will assist you in your communication endeavors…. Let’s work in unison,” ang panawagan ni Piñol sa mga mamamahayag.
Bilang tugon, binuo ko ang seryeng ito na may tatlong bahagi, upang makatulong sa DA na maiparating sa mga mamamayan ang kanilang mga proyekto…At siyempre, para rin naman sa mga mamamayan, upang mabalikan at “masingil” nila ang mga opisyales ng DA kung ano na ang nangyari sa mga ipinangakong proyektong ito, palpak man o panalo!
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]