Ni Clemen Bautista
TUWING sasapit ang ika-2 ng Abril, hindi nalilimot sa kasaysayan ng Panitikan Pilipino ang paggunita at pagdiriwang sa kaarawan ni Francisco Balagtas—ang kinikilalang Ama ng tulang Tagalog, Prinsipe ng mga makatang Pilipino at sinasabing unang tunay na makata at propagandistang Pilipino. Ang ika-2 ng Abril ay tinatawag na Araw ni Balagtas.
Ang paggunita at pagdiriwang sa Araw ni Balagtas ay pinangungunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), bilang pagkilala sa nagawa at naiambag ni Balagtas sa Panitikan Pilipino—ang pagkakasulat niya ng klasikong awit na FLORANTE at LAURA na maihahanay sa mga akdang pampanitikan na isinulat ng mga kilalang manunulat at makata sa ibang bansa. Sa Bigaa, (Balagtas na ngayon), Bulacan, na sinilangan ni Balagtas, ay may inihanda ring aktibidad bilang pagkilala at parangal sa itinuturing na dakilang makatang Pilipino.
Ang Bigaa, na bayan sinilangan ni Balagtas, ay pinalitan ng Balagtas noong Agosto 8, 1966 bilang pagsunod sa panukalang batas ni Kinatawan Teodulo Natividad, ng Bulacan. Pinagtibay ng Kongreso at nilagdaan ng dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Bata pa lamang si Balagtas ay naririnig na niya ang mga nangyayari sa iniibig nating Pilipinas, sa pag-uusap ng kanyang mga kabarangay sa pandayan ng kanyang ama. Narinig din niya ang mga problema ng bayan at ng pamahalaan. Mababanggit ang mga pang-aabuso ng mga prayle at ang mga katiwalian sa pamahalaan.
Sa edad na labing-isang taon, nagsimulang mag-aral si Balagtas noong 1799. Namasukan siyang alilang kain sa isang mayamang pamilya sa Tondo, Maynila. Kapalit ng kanyang paglilingkod ang makapag-aral. Siya ay nakapagtapos sa Colegio de San Jose. Sa edad na 24, natapos ni Balagtas ang Canon Law sa Colegio de San Juan de Letran. Naging guro niya si Padre Mariano Pilapil, ang sumulat ng Pasyon na binabasa at inaawit tuwing Kuwaresma at Semana Santa.
Ang unang nagpatibok ng puso ni Balagtas ay si Magdalena Ana Ramos, na taga-Gagalangin, Tondo, Maynila. Naging kasintahan din ni Balagtas ang dalawa pang dalagang taga-Tondo; sina Lucena at Biyanang.
Lalong nakilala ang pagiging makata ni Balagtas nang lumipat siya sa Pandacan, Maynila kung saan niya nakilala at naging kasintahan si Maria Asuncion Rivera. Bukod sa pagiging maganda ay isang mang-aawit at dalubhasa sa pagtugtog ng alpa. Siya ang tinawag na SELYA ni Balagtas. Hango ang sa pinaikling pangalan ni Santa Cecilia, ang patroness ng musika. Sa mga pagtitipon sa Pandacan, madalas bigkasin ni Balagtas na pambungad ng kanyang tula ang Kay Selya.
Ganito ang tula ni Balagtas kay Selya: “Siya si Selya kong sa aking lunggati,/ Binathalang himig ng aking kudyapi;/ Siya si Selya kong sa labi’y pandampi,/ sa uhaw ko’y bulang pamawi ng sidhi”.
Naputol ang pagmamahalan nina Balagtas at Selya sapagkat naging karibal niya sa pag-ibig si Mariano Kapule, isang mayman at maimpluwensiya. Naipakulong si Balagtas sa bintang na paninirang puri. At sa kanyang pagkakakulong, isinulat niya ang klasikong awit na “Florante at Laura” na ang mga nilalaman at kaisipan ay mula sa pagpapalaki sa anak at sa paglilingkod sa bayan. Ayon kay Balagtas: “Pag-ibig anaki’y aking nakilala, ‘Di dapat palakihin ang bata sa saya; /at sa katuwaa’y kapag namihasa, walang hihintaying ginhawa. Ang laki sa layaw, karaniwa’y Hubad sa bait, sa muni”t sa hatol ay salat/masaklap na bunga ng maling paglingap, ng dapat magturong tamad na magulang”.
Sa masakim na lider ng bayan: “Ang isang pinunong masakim sa yaman, ay mariing hampas ng langit sa bayan”. Sa pag-ibig: “O pagsintang labis ng kapangyarihan, kapag ikaw ‘nasokl sa puso ninuman, hahamakain ang lahat, masunpod ka lamang”. Sa pananalig sa Diyos; “Datapuwa’t sino ang tatarok kaya, sa mahal mong lihim Diyos na dakila; walang nangyayari sa balat ng lupa, angmay kagalingang Iyong ninanasa”.
Ang huling pag-ibig ni Balagtas ay si Juana Tiambeng, isang magandang dalaga sa Udyong, Bataan. Mayo-Disyembre ang kanilang love affair. Si Balagats ay 54 anyos at si Juana Tiambeng ay 31. Labing-isa ang kanilang naging anak.
Limang lalake at anim na babae. Ngunit pito ang namatay sa kasanggulan at pagkabata pa lamang.
Sa Udyong, Bataan nakulong ng apat na taon matapos paratangan ng pagputol sa buhok ng isang alilang babae ng isang makapangyarihang tao sa nasabing bayan sa Bataan. Naghirap sina Balagtas at Juana sapagkat naubos ang kanilang pera. Nagsulat upang buhayin ang pamilya. Namatay si Balagtas sa edad na 74 noong Pebrero 20, 1862.
Bilang makata, ang kadakilaan ni Balagtas ay kinilala hindi dahil sa dami ng kanyang isinulat, kundi dahil sa kanyang “Florante at Laura” na ang kariktsan sa pagkakatula ay sapat nang patunay kanyang pambihirang kakayahan na naging tampulan ng paghanga ng buong daigdig.
Ayon kay Dr. Jose Rizal, ang “Florante at Laura” ni Balagtas ay isang likhang-sining sa wikang Tagalog na nakarating sa tugatog ng kabantugan at kadakilaan. Ang banghay ng nobelang “Noli Me Tangere” ni Rizal ay hinalaw sa “Florante at Laura”. Sa pag-aaral ni Dr. Jose Rizal sa ibang bansa, ang “Florante at Laura” ay isa sa mga aklat na dinala ng ating pambansang bayani.