SmartSelectImage_2018-03-30-10-32-21 copy2

Sinulat at mga larawang kuha ni DINDO M. BALARES

UMABOT sa mahigit apat na milyong pilgrims ang dumalaw sa Our Lady of Peace and Good Voyage Shrine bilang pakikibahagi sa Alay Lakad 2018, ayon sa pagtaya ng Philippine National Police ng Antipolo City.

Ang tradisyunal na Alay Lakad ay isinasagawa simula hapon ng Huwebes Santo, buong gabi at buong magdamay ang buhos ng mga tao hanggang umaga ng Biyernes Santo. Ito ay pamamanata ng mga mananampalataya bilang paggunita sa pagpapakasakit, pagkamatay, at muling pagkabuhay ni Jesus Christ. Naglalakad sila, karamihan ay magpapamilya at magkakaibigan, mula sa iba’t ibang siyudad at bayan ng Metro Manila at mga karatig-probinsiya. Natatapos ang lakaran pagsapit sa harapan ng altar ng Birhen ng Antipolo.

Relasyon at Hiwalayan

Christophe, may nilinaw tungkol sa engagement nila ni Nadine

Nang sumabay kami sa agos ng mga tao nitong Biyernes ng madaling araw, naghahagis sila ng mga barya pagsapit sa pintuan ng Katedral.

Ayon kay Fr. Jul Nuque, ang Alay Lakad ay may kaugnayan sa kinaugalian nang Visita Iglesia ng maraming Katoliko sa pagdalaw sa iba’t ibang simbahan.

“Ang tradisyon sa Antipolo, nagsimula sa pag-aalay lakad ng mga deboto tuwing Mayo -- kapag iniaakyat ang Nazareno ng Quiapo -- na itinuturing ng marami bilang pagbisita ng anak sa kanyang ina. Maraming mananampalataya ang sumasabay. Inilalagay nila ang kanilang sarili sa katauhan ni Kristo. Inagahan at itinaon sa Kuwaresma ang Alay Lakad pero patuloy pa ring isinasagawa ‘yung pag-akyat ng Antipolo kapag Mayo,” sabi ni Fr. Jul nang interbyuhin namin kahapon.

“Ang Alay Lakad ay isang uri ng penetensiya na hindi masakit sa katawan. Iniaalay nila ang sarili nila bilang pagsasabuhay na rin sa mga pinagdaanang hirap ni Hesukristo. Tayo kasing mga Katolikong Pilipino, iba, hindi tayo kuntento sa mga abstract na konsepto ng pananampalataya. Gusto nating may napanghahawakan o may nararanasan din tayo para maipahayag ang pananampalataya natin.”

Pinansin namin ang pami-pamilya at malalaking grupo ng pilgrims.

“Oo,” sang-ayon ni Fr. Jul, “karamihan talaga magpapamilya o barkada. Meron pa ngang magkakaopisina. Buong company sila na nagkasundu-sundong mag-alay lakad na magkakasama. Bihira ‘yung mag-isa lang. Pero may mga beterano na gumagawa rin ng gano’n, sila lang mag-isa.”

Ang pamamanata sa Our Lady of Antipolo ay nagsimula pa noong panahon ng mga Kastila. Katunayan, may nabasa kaming libro noong nasa Ateneo pa kami na isinama si Jose Rizal ng kanyang ama sa Birhen ng Antipolo, bilang pagtupad sa taimtim na pangako na kapag nabuhay ang sanggol at ang ina sa mahirap na panganganak ay dadalhin niya sa naturang simbahan ang bata kapag nakakalakad na.

“Isa ang Birhen ng Antipolo sa pinakamarami ang pumupuntang mananampalataya. Naririyan din ang Nazareno, ang Manaoag, si Inang Peñafrancia at marami pa.”

Sa pakikipanayam namin sa pilgrims nitong Biyernes, mas marami ang nagpapasalamat sa natupad na dasal kaysa may kahilingan.

“Marami ang nagpapasalamat sa conversion, kasi my mga nagsasabi, ‘Maraming salamat po at bumait na ako...’ Pero pinakamarami ang humiling na makapag-abroad at natupad. Ako mismo, OFW ang tatay ko, at siya ang mas devoted at nagyayaya sa amin na magsimba rito sa Antipolo Cathedral -- kahit may parokya namang malapit sa amin.”

Ang pamilya ni Fr. Jul Nuque ay nakatira sa Cogeo.

Bihirang maikober ng media ang Alay Lakad at ang milyun-milyong mga taong nakikibahagi rito dahil isinasagawa ito habang nakabakasyon ang lahat.