Ni Jun Fabon
Bumagsak sa kamay ng Cubao Police-Station 7 ang tatlong hinihinalang tulak ng ilegal na droga, kabilang ang mag-live-in partner sa buy-bust operation sa Quezon City, iniulat kahapon.
Kinilala ni Supt. Louise Benjie Tremor, hepe ng QCPD-Station 7 ang mga suspek na sina Adonis Bron, 35; at Annaliza Dantes, 43, kapwa kabilang sa drugs watch list ng barangay at nakatira sa Barangay San Martin De Porres ng nasabing lungsod.
Nadakip ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit sina Bron at Dantes sa buy-bust operation sa panulukan ng Rozan at Benitez Streets, Bgy. San Matin De Porres, dakong 12:30 ng madaling araw.
Nasamsam sa mag-live-in partner ang limang pakete ng hinihinalang shabu at buy-bust money, matapos bentahan umano ng droga ang isang pulis poseur-buyer.
Unang nalambat ng awtoridad ang tricycle driver na si Jaime Mendoza, dahil sa pagbebenta umano ng droga sa kapwa driver sa kanto ng Oxford St., at Aurora Boulevard sa Cubao, dakong 11:30 ng gabi nitong Sabado.
Narekober kay Mendoza ang tatlong pakete ng umano’y shabu at P500 buy-bust money.
Inamin umano ng suspek na gumagamit siya ng ilegal na droga at mariing itinanggi na nagbebenta siya nito.
Nakakulong ang mga suspek sa Cubao Police Station at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 (RA 9165).