Ni Bert De Guzman
Matinding parusa ang naghihintay sa sino mang mambabato sa mga tumatakbong sasakyan.
Pinagtibay ng Kamara ang House Bill 7163 na inakda ni Ilocos Norte Rep. Rodolfo Fariñas upang mapigil ang pambabato sa mga sasakyan, na bukod sa nakapipinsala ay posible pang makamatay sa driver o pasahero nito.
Itinatadhana na ang sino mang maghahagis ng bato, bote, kahoy, bakal, o ano mang matitigas na bagay na nakasira sa sasakyan o naging dahilan ng kamatayan ng lulan nito ay papatawan ng sumusunod na parusa: 25 taong pagkabilanggo at multang P100,000, bukod pa sa pananagutang sibil kung ang pambabato ay nagresulta sa kamatayan; limang taong pagkabilanggo at multang P15,000, bukod pa sa pananagutang sibil para sa bayad sa pagpapagamot at rehabilitasyon kung nagresulta sa pagkasugat ng pasahero; at isang taong pagkabilanggo at multang P10,000, at pagpapagawa sa sasakyan.