Sa kabila ng usap-usapan na ngayon pa lang ang 2019 elections, hindi nakikita ni Vice President Leni Robredo ang kanyang sarili na lumilipat sa ibang partidong pulitikal.
Hindi aniya ngayon, at hindi kailanman.
Ito ang paninindigan ni Robredo, chairperson ng Liberal Party, sinabing hindi niya lilisanin ang LP kahit pa matalo ang karamihan sa kanyang mga miyembro sa Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban), na partido naman ni Pangulong Duterte.
Nang tinanong tungkol sa posibilidad ng pagbalimbing o paglipat, pinili ng Bise Presidente na manatili sa LP kahit, aniya, na siya lang ang “only one left” sa partido.
Binigyang-diin ni Robredo, dating kongresista ng Camarines Sur, na imposibleng sumapi siya sa ibang partido pulitikal.
“Nag-umpisa ako sa Liberal, matatapos ako sa Liberal,” pahayag ni Robredo sa isang panayam. “Sumama ako sa Liberal dahil sa paniniwala. Naniniwala ako sa mga prinsipyo ng partido at patuloy na naniniwala.”
Namayagpag sa panahon ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III, natalo ang karamihan sa mga miyembro ng LP sa mga pambato ng PDP-Laban.
Muli namang nagpapalakas ng membership ang LP sa pamamagitan ng pagre-recruit ng mga non-politicians, at noong Enero ay nasa 500 non-politician mula sa Maynila, Cebu, at Naga ang nanumpa bilang mga miyembro ng LP. - Raymund F. Antonio