HINDI gaanong naiiba ang linggong ito sa ibang linggo ng taon.
Nagpalayas ang United Kingdom, ang mga kaalyado nito, at ang Amerika, ng mahigit isandaang Russian diplomats dahil sa nerve agent attack, na isinisi sa Moscow, sa dating Russian spy na ngayon ay nakatira sa Britain.
Binalaan ng China ang Amerika na handa na itong depensahan ang anumang naisin matapos ihayag ni US President Trump ang planong patawan ng nasa $50 billion taripa ang mga produkto ng China na inaangkat ng Amerika. Nagsagawa rin ang China ng naval exercises sa paligid ng aircraft carrier nito sa South China Sea.
Sa Pilipinas, sinabi ni Communist Party of the Philippines (CCP) Founding Chairman Jose Ma. Sison na kailangang ipagpatuloy ng New People’s Army (NPA) ang pakikipaglaban dahil hindi pinaboran nina Pangulong Duterte at Defense Secretary Delfin Lorenzana ang resolusyon ng Kamara de Representantes, na pirmado ng 61 kongresista, na nananawagang ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan.
Ipinasasara ang mga establisyemento sa Boracay sa loob ng anim na buwan dahil sa mga paglabag na naging dahilan upang ilarawan ni Pangulong Duterte bilang “cesspool” ang pangunahing tourist destination ng Pilipinas.
Sa kanyang mensahe para sa Semana Santa ngayong taon, inanggit ni Pope Francis ang problema ngayon ng mundo: “How many young people are taken in by the panacea of drugs, of disposable relationships, of easy but dishonest gains?” tanong niya. Binanggit niya ang karahasan laban sa “unborn child, the elderly and infirm, the migrant, the alien among us, or our neighbor who does not live up to our expectations.”
Maging si Archbishop of Manila, Luis Antonio Cardinal Tagle ay hinikayat ang lahat na tumulong sa kapwa. “We invite you all to join us in making small gestures of compassion towards migrants you meet on your daily journeys.” Sa Caritas, sinabi niya, “a migrant is a person on the move, who needs accompaniment, support and protection… They may be refugees or asylum seekers. They may be internally displaced within their own country by a conflict or a natural disaster, or may be moved to seek work. They may be adults or children, on their own or with their families. They may have been trafficked.”
Ngayong Pasko ng Pagkabuhay, sa pagtatapos ng Mahal na Araw, bigyang-pansin natin ang mga sinabi ng mga religious leaders ng bansang ito na kinilala bilang kaisa-isang Kristiyanong bansa sa Asya. Patuloy na liligaligin ng mga suliranin ang mundo. Ngunit ngayong Pasko ng Pagkabuhay, gawin nating inspirasyon ang okasyon ng pagmamahal at pag-asa upang maiwasan ang posibilidad na madismaya sa masasamang balita sa mundo at, sa halip, ay gawin ang ating makakaya upang tumulong sa mga kapwa natin sa kanilang mga pangangailangan.