Ni Czarina Nicole O. Ong

Ibinasura ng Sandiganbayan ang mosyon ni dating Antique Rep. Exequiel Javier na humihiling na ibasura ang kinakaharap na kasong graft kaugnay ng pagkakadawit sa umano’y maanomalyang paglilipat nito ng ownership ng isang rice mill noong 2007.

Sa ruling ng 3rd Division ng anti-graft court, walang sapat na merito ang iniharap na motion to quash ni Javier kaya walang dahilan upang ipawalang-saysay ang kinakaharap niyang paglabag sa Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act).

Dahil dito, itatakda na ng korte ang paglilitis sa kaso.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Bukod kay Javier, naghain din ng kani-kanyang motion to quash sina dating Patnongon Mayor Henry A. Mondejar, dating Councilor Teopisto C. Estaris, Jr., at Greater Antique Development (GRAND) Cooperative Chairman Efren G. Escavilla, pero pawang ibinasura rin ang mga ito.

Nag-ugat ang kaso nang akusahan si Javier na nakipagsabwatan umano kay Escavilla upang mailipat ng pag-aari, operasyon at maintenance ang isang rice mill sa halagang P9.9 milyon na para sana sa minisipyo ng Patnongon, at ginamitan ng pondo mula sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) ni Javier.

Sa kanyang mosyon, iginiit ni Javier na nabigo ang Office of the Ombudsman na tukuyin ang partikular na impormasyong pinagbatayan nito sa pagdedeklarang nakitaan ng probable cause ang reklamo laban sa kanya.

Tinukoy pa ng dating mambabatas na wala umanong ebidensiya upang sabihing nagkaroon sila ng sabwatan sa kaso na naantala umano sa pagsasagawa ng preliminary investigation.