Ni Clemen Bautista
LINGGO ng Pagkabuhay o Easter Sunday ngayon. Sa puso ng mga Kristiyano, may hatid na galak, kaligayahan atpagbubunyi ang araw na ito, sapagkat ginugunita at ipinagdiriwang ang tagumpay ni Kristo sa kamatayan sa pamamagitan ng Kanyang muling pagkabuhay at ang koronasyon ng mga gawain ng Diyos sa lupa.
Sa araw na ito, lahat ng sagisag ng lungkot, sa loob ng mga simbahan na namayani sa panahon ng Kuwaresma ay muling mapapalitan ng kasiglahan tulad ng pagbabalik ng mga palamuting bulaklak sa altar, repeke o kalembang ng mga kampana, mga kandilang may ningas at ang muling pag-awit ng “Gloria in Excelsis Deo” o Papuri sa Diyos sa Misa, gayundin ang masayang awit ng “Alleluia” nang dalawang ulit sa huling bahagi ng misa.
Sa paniniwalang Kristiyano, ang Linggo ng Pagkabuhay ay may natatanging liturgical significance sapagkat ginugunita rin ang pagkakatatag ng bagong Simbahan at ang katuparan ng pagmamahal sa tinatawag na”Mystical Body” o Mistikong Katawan ni Kristo. Ang pagkakatatag na ito ng Simbahan ay binabanggit sa isang bahagi ng encyclical ni Pope Pius XII (Mystici Corporis) na nagsasabing, “Habang si Kristo’y nakabayubay sa krus, hindi lamang katarungan ang natanggap Niya sa Diyos kundi napagtagumpayan din Niya para sa atin na Kanyang mga kapatid ang walang katapusang pagtanggap ng mga biyaya. Ang mga biyayang iyon ay tuwirang maipagkaloob Niya sa sangkatauhan, ngunit hinangad Niya na gawin iyon sa pamamagitan lamang ng nakikitang isang Simbahan na bawat tao’y maaaring gumawa ng pakikipagkaisa sa Kanya sa pagkakaloob ng mga biyaya ng Kaligtasan o Redemption.
Ayon pa sa pahayag ni Pope Pius XII, kung bibigyan natin ng katuturan at ilalarawan ang Simbahang ito ni Kristo na Iisa, Banal, Pandaigdig at Apostoliko --- hindi na tayo makatatagpo pa ng ibang salitang higit na marangal, dakila o lalo pang makalangit kaysa sa salitang tinatwag na “Mistikong Katawan ni Kristo”.
Kaugnay naman ng kasayahang hatid ng Linggo ng Pagkabuhay ay ang pagdaraos at pagbuhay ng iba’t ibang tradisyon at kaugalian. Isa na rito ang “Salubong” o ang pagkikita ng Kristong Muling Nabuhay (Risen Christ) at ng Mahal na Birhen Maria na may belong itim. Ang Salubong ay nagsisimula ng 4:00 ng madaling-araw o sa unang pamimitak ng sikat ng araw sa umaga. Dalawang prusisyon ang nagtatagpo sa isang piniling lugar(maaring krus na daan o plasa ng bayan).
Sa Angono Rizal, ang pinagdarausan ng “Salubong” na tinatawag na “Galilea”sa Bloomingdale subdivision. Sa nasabing lugar, makikita ang nakabitin na isang tila puso ng saging na may makulay na palamuti o dekorasyon.Sa loob nito ay naroon ang isang batang babaing “anghel”. Tampok ang pagsayaw ng Tenyenta at Kapitana (dalawang dalagang pinili sa Angono, Rizal) at dicho o pagtula ng Kapitana na alay sa Mahal na Birhen at Kristong Muling Nabuhay. Ang sayaw ay tinatawag na “Sayaw ng Pagbati”.
Ang unang sayaw ay ginagawa ng Tenyenta na may hawak na bandera na may nakasulat na “Alleluia”. Ang sayaw ay sinasaliwan ng tugtog ng Angono National Symphonic band sa himig at tiyempo ng “Gavotta”. Pagkatapos ng sayaw ng Tenyenta, kasunod na ang dicho o pagtula ng Kapitana na alay sa Mahal na Birhen at Risen Christ.
Ang pinakamagandang bahagi ng pagtula ng Kapitana ay ang pagbubukas ng malaking Puso. Ang nagbubukas ay ang apat na malalaking ibong papel. Sa pagbubukas ng Puso, sumasabog ang mga confetti na nahuhulog sa ulunan ng imahen ng Mahal na Birhen at ng Risen Christ. Habang dahan-dahang ibinababa ang nabuksang Puso, ang batang babaeng anghel ay umaawit ng “Regina Coeli”na sinasabayan ng paghahagis ng mga makulay na confetti. Kasunod nito ang pag-aalis sa itim na belo ng Mahal na Birhen. Pagkatapos, muling itataas ang malaking Puso. Magpapatuloy sa pagtula ang Kapitana. Ang huling bahagi ng tula ay natatapos sa pagsasabing, “Sa akay ng lugod, tunay na pag-asa, itong aking hawak na bandera; iwawagayway ko’t bilang pagsasaya, wika’y Resurrecit, Aleluia, Alleluaia, Viva!”. Kasunod ang malakas na palakpakan ng mga nanonood ng “Salubong”. Kasunod na nito ang pagsayaw ng Kapitana na may hawak na bandera. Ang sayaw ay sinasaliwan ng tugtog ng Angono National Symphonic band sa himig ng balse. Habang nagsasayaw, ang mga nanonood ay naghahagis ng pera sa stage na pinagsasayawan ng Kapitana.
Matapos ang sayaw ng Kapitana, ang dalawang prusisyon ay magkasabay na babalik sa simbahan upang gawin ang Misa ng Easter Sunday. Ang “Salubong” sa Angono Rizal kung Linggo ng Pagkabuhay ay isang tradisyon na hindi nalilimutang bigyang-buhay.I sa na ring tourist destination at dinarayo rin ng mga mamamayan sa mga karatig bayan.