Ni Mary Ann Santiago
Hinikayat ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang sambayanang Pilipino na magsagawa ng seryosong “soul-searching” at alamin ang tunay na kahalagahan ng Sabado de Gloria at Linggo ng Muling Pagkabuhay.
Sa kanyang Holy Week reflections, na may temang “The Word Exposed” at inilathala ng Jesuit Communications (JesCom), inilahad ng Cardinal na ang Sabado de Gloria ay araw ng pagluluksa at panahon ng pananahimik.
Sa halip, aniya, na magsaya sa nasabing araw ay dapat ay magsagawa ng seryosong “soul-searching” ang mga mananampalataya at limiin kung bakit pinatay si Hesus para “masagip tayo sa kasalanan”.
Maaari rin aniyang alamin ang mga kasagutan sa ilang tanong, tulad ng “Napagdusahan na ba ng Diyos ang lahat ng ating kasalanan?”
Ipinagdiriwang naman ng mga mananampalataya ang Easter Sunday ngayon, sa muling pagkabuhay ni Hesus at pag-akyat sa langit matapos siyang ipako at masawi sa krus.
Nitong nakalipas na tatlong araw, idinaan ni Tagle ang kanyang maikling pagninilay-nilay sa social media upang mas maraming tao ang maabot nito.
Ipinahayag din ni Tagle na ang Good Friday ay nagpamalas ng “dark side” o madilim na bahagi ng sangkatauhan.
Aniya, ang “dark side” ng sangkatauhan ay nagtutulak sa atin sa kasamaan, ang pagpatay, maging sa mga inosente.
Sa kabila naman nito, aniya, ang Good Friday din ay pagdiriwang sa kadakilaan ng sangkatauhan na ipinakita ni Hesukristo.