Ni Light A. Nolasco
DINALUNGAN, Aurora - Inaasahang dadagsain ng mga turista sa pagpasok ng summer season ang isa sa mga tourist spot sa bansa—ang Bulawan Falls sa Dinalungan, Aurora.
Ayon kay Municipal Tourism Officer Vergel Vargas, inaayos na ng Department of Public Works and Hihgways (DPWH) ang kalsada paaakyat sa nasabing talon upang hindi mahirapan ang mga dumadayong turista sa lugar.
Sa loob, aniya, ng ilang buwan ay magiging komportable na ang pagbisita ng mga turista sa lugar dahil inaasahang matatapos ang proyekto bago matapos ang taon.
Sinabi pa ni Vargas na aabot sa P8 milyon ang pondong inilaan para sa proyekto.
Mahigpit na rin nilang ipinagbabawal ang pagtatapon ng basura sa hindi tamang lugar sa paligid ng talon, gayundin ang pag-inom ng alak upang mapanatili ang kaakit-aakit nitong tanawin.
Ang Bulawan Falls, na nasa Barangay Paleg, Dinalungan, ay nakatago sa siwang na bahagi ng Sierra Madre mountain ay isa sa pinakamalinis na talon sa bansa.