Aabot sa 17,000 pasahero ang naitala ng Philippine Coast Guard (PCG) na bumiyahe patungo sa kani-kanilang probinsiya nitong Semana Santa.

Sa datos na inilabas ng PCG, may kabuuang 17,315 pasahero ang dumagsa sa mga pantalan sa buong bansa, batay na rin sa monitoring ng ahensiya na sinimulan nitong Biyernes ng gabi hanggang 12:00 ng hatinggabi ng Sabado de Gloria.

“PCG Passenger Assistance Centers (PAC) reports disclosed that no unusual or untoward incidents were recorded as of this time,” ayon sa pahayag ng PCG.

Kinumpirma ng PCG na karamihan sa nasabing bilang ng pasahero ay mula sa Central Visayas na umabot sa 7,575, kasunod ang Western Visayas na umabot sa 3,192 ang pasahero.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Sa mga daungan sa Southern Mindanao, nakapagtala ng nasa 2,535 pasahero ang ahensiya, habang sa pantalan ng Northern Mindanao ay mayroon namang 1,261 outbound passengers.

Naitala rin ang 1,001 pasahero sa mga Southern Visayas port, kasunod ang Southwestern Mindanao na may 846, at Southern Tagalog na 428.

Kakaunti lamang ang naitalang pasahero sa Bicol at Eastern Visayas ports, na may 290 at 107, ayon sa pagkakasunod.

Habang naitala lamang ang 80 pasahero sa National Capital Region-Central Luzon. - Beth Camia