Nina FRANCO G. REGALA at FREDDIE C. VELEZ
Sa ika-32 sunod na taon, muling nagpapako sa krus kahapon ang 57-anyos na karpinterong si Ruben Enaje bilang bahagi ng kanyang taunang panata tuwing Biyernes Santo, sa dinarayong Maleldo ng Barangay San Pedro Cutud sa San Fernando City, Pampanga.
Muling gumanap na Hesukristo, kasama ni Enaje na nagpapako sa improvised calvary sa Bgy. San Pedro Cutud ang walo pang deboto.
Dalawang deboto rin ang nagpapako sa krus sa Bgy. Sta. Lucia at may isa pa sa Bgy. San Juan, parehong sa San Fernando City.
Una nang tinaya ng awtoridad na aabot sa 50,000 lokal at dayuhang turista ang dadagsa sa taunang Maleldo sa siyudad.
May tatlong deboto rin ang nagpapako sa krus sa bayan ng Bacolor sa Pampanga, kahapon ng umaga.
Bukod dito, limang albularyo rin ang nagpapako sa krus sa Paombong, Bulacan kahapon.
Tampok sa pagsasadula ng Pagpapakasakit ni Hesus Kristo (Passion of Jesus Christ) sa man-made Golgotha na katabi ng isang kapilyang Katoliko sa Paombong ang pagpapako sa krus ng limang faith healer, kabilang ang isang babae.
Sa harap ng libu-libong-katao, kabilang na ang mga turista mula sa ibang bansa na nangahas na nais sumaksi sa literal na madugong rituwal ng Semana Santa sa Bgy. Kapitangan, unang ipinako sa krus si Efren Balines, 40, tubong Bacolod City.
Nanatili siya ng limang minuto sa krus matapos na ipako dakong 11:00 ng umaga.
Sumunod na nagpapako ang isang batang faith healer na nakilala lamang sa alyas na “Badji”, ng Bgy. Sto. Rosario, Paombong,
Nilatigo si Badji habang kinakaladkad ng Roman Centurions at pasan ang krus patungong Golgotha.
Dakong 11:30 ng umaga ay nagpapako rin sa krus ang kapatid ni Balines na si Loren, matapos umanong mapanaginipan nila ng kapatid ang artipisyal na Golgotha sa kanilang lugar.
Eksaktong 12:00 ng tanghali naman nagpapako sa krus ang isa pang albularyong si “Ka Precy”.
Ayon sa kanyang kaanak, pang-anim na beses nang nagpapako sa krus si Ka Precy, na tumatagal ng 15 minuto sa pagkakapako.
Matapos ang 30 minuto, nagpapako rin sa krus ang beterano na rin sa nasabing rituwal na si “Ka Roger”.