Nahaharap sa patung-patong na kaso ang isang platero, na unang inireklamo ng tangkang pagpatay sa kapwa niya platero, matapos magwala sa tapat ng isang presinto sa Maynila kamakalawa.
Kasong attempted homicide, breach of peace, resisting arrest at direct assault ang kakaharapin ni Hilmer Estabillo, 31, ng 2122 F. Munoz Street, Malate.
Sa ulat mula sa tanggapan ni Supt. Eufronio Obong, Jr., hepe ng Manila Police District (MPD)-Station 9, dinakip ang suspek sa tapat ng Arellano Police Community Precinct (PCP) sa Arellano St., sa Malate, dakong 3:05 ng madaling araw.
Una rito, nag-away si Estabillo at si Alberto Ponce, 54, platero, ng 1201 Arellano St., Singalong, Malate. Muntik na umanong mapatay ni Estabillo si Ponce.
Agad nagtungo si Ponce sa naturang presinto upang ireklamo ang suspek, bandang 3:00 ng madaling araw.
Makalipas ang limang minuto, sumugod si Estabillo sa tapat ng naturang presinto at nagwala at pinagmumura ang lahat ng tao roon.
“Mga put*** in* n’yo mga pulis! Mga adik kayo! ‘Di ako adik!” sigaw ng suspek habang dinuduro ang mga pulis na sina PO1s Jay Pee Guarte at Michael Tica.
Dahil ayaw paawat, napilitang damputin ng mga pulis si Estabillo at idiniretso sa selda upang masampahan ng kaukulang kaso. - Mary Ann Santiago