Kabilang ang isang Pinoy sa 12 preso na hinugasan at hinalikan ni Pope Francis ang mga paa sa isang bilangguan sa Roma, sa taunang rituwal ng “Washing of the Feet” tuwing Huwebes Santo.

Bukod sa hindi pinangalanang Pinoy, hinugasan din ng Santo Papa ang mga paa ng mga preso mula sa Italy, Morocco, Moldavia, Colombia, at Sierra Leone, na pawang nakapiit sa Regina Coeli Jail sa Rome.

Walo sa kanila ay Katoliko, isa ang Orthodox Christian, dalawa ang Muslim at isa ang Buddhist.

Sa kaniyang misa para sa nasabing okasyon, binanggit din ng Santo Papa na dapat nang itigil ang pagpapataw ng death penalty dahil hindi ito makatao.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

“Everyone always has the opportunity to change life and one cannot judge,” anang Papa.

Ito na ang ikaapat na taon na sa bilangguan ginawa ni Pope Francis ang Washing of the Feet, sa halip na sa Rome Basilica.

Taunang isinasagawa ang Washing of the Feet tuwing Huwebes Santo upang gunitain ang Huling Hapunan ni Hesukristo at kung paano Niya ipinakita ang pagiging lingkod ng isang lider sa Kanyang mga alagad sa pamamagitan ng paghuhugas at paghalik sa kanilang mga paa.

Pinangunahan din ni Pope Francis kahapon ang Via Crusis o Way of the Cross procession. - Mary Ann Santiago