ni Ric Valmonte
DAPAT malaman ng mga namumuhi sa due process na ang Panginoong Diyos mismo ang nagpairal nito. Noong likhain Niya ang unang tao at sinuway ang Kanyang utos, hiningan pa rin Niya ng paliwanag ang mga ito kahit alam na Niyang sila ay nagkasala. Wala namang hindi malalaman ang Panginoong Diyos sa daigdig na Siya mismo ang lumikha.
Pagktapos niyang likhain si Adan sa Paraiso, nakita Niya na ito ay malungkot. Kaya, pinatulog Niya si Adan at binunot ang isang tadyang nito. Pagkatapos Niyang hingahan ito, nagkaroon ito ng buhay. Siya si Eba. Tuwang-tuwa si Adan sa pagkakaroon ng asawa. Pagkatapos lisanin ng Poon ang dalawa, sinabi Niya sa dalawa ang lahat na nasa kanilang kinaroroonan ay kanilang matatamasa. Ngunit, mahigpit Niyang inihabilin sa mga ito na huwag silang kakain ng bunga ng punong kahoy na magandang nakatayo sa gitna ng Paraiso.
Nakita ng demonyo sina Adan at Eba na maligayang nabubuhay. Nainggit ito at ginawan ng paraan ang paghihiwalay nila sa Panginoong Diyos. Ginawang ahas ang sarili at pumulupot sa puno na ang bunga ay ipinagbawal ng Panginoon kina Adan at Eba. Nang mapadaan ang dalawa sa tapat ng puno, tinukso ng ahas ang dalawa. Natukso nito si Eba na kumain ng bunga. Binigyan ni Eba si Adan ng kanyang kinain.
Nang bumaba ang Panginoong Diyos at pinagpaliwanag Niya si Adan sa pagsuway sa Kanyang utos, itinuro niya si Eba na siyang nagpakain sa kanya. Nang harapin Niya si Eba, itinuro naman niya ang ahas na siyang luminlang sa kanya. Bukod sa isinumpa ng Panginoon ang demonyo na habang buhay itong gagapang bilang kaparusahan, pinalabas Niya sina Adan at Eba sa loob ng Paraiso. Kaya, bago iginawad ng Panginoon ang parusa sa dalawa, dininig Niya muna ang kanilang panig. Ipinakita ng Panginoong Diyos na nang likhain niya ang tao, may kaakibat na karapatan mga ito at Kanyang ginalang. Bakit pa nga Niya nilikha ang tao kung hindi igagalang ang kanilang karapatan? Hindi sila tao kapag wala silang karapatan, o kaya may karapatan man sila, kung hindi naman igagalang.
Kung ang may likha sa atin ay iginalang ang ating karapatan, higit na tayong kanyang nilikha ang gumalang sa karapatan ng ating kapwa, ikaw man ang pinakamakapangyarihan at pinakamalakas.