BILANG pagpapakita ng suporta sa target ng Gilas Pilipinas na makabalik sa FIBA World Cup, pinayagan ng PBA Board ang pagsuspinde ng kanilang mga playdates sa mga petsang kasabay ng nalalabing qualifiers ngayong taon na kinabibilangan ng ikalawang round na magsisimula sa Setyembre.

Magsisimula ang suspensiyon ng mga laro isang linggo bago sumabak ang Gilas sa final window ng unang round sa Hunyo 29-Hulyo 2.

Kaugnay nito, awtomatikong ipu-pullout ang mga manlalarong nasa Gilas pool mula sa kani-kanilang mother ballclubs upang makapag focus sa national team.

Sa kasalukuyan ay pumapangalawa ang Gilas sa namumunong Australia sa Group B ng torneo kung saan manggagaling ang pitong koponan na magiging kinatawan ng FIBA Asia/Oceania Zone sa 2019 World Cup na gaganapin sa China.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Kinakailangan ng Gilas na maipanalo ang susunod nilang dalawang laro kontra Chinese Taipei na gaganapin sa Taiwan sa Hunyo 29 at Australia na gaganapin sa Philippine Arena sa Bulacan sa Hulyo 2 upang manguna sa Group B patungo sa second round.

Nakatakdang magsimula ang second round kung saan uusad ang 12 koponang nanguna sa first round sa darating na Setyembre 13. - Marivic Awitan