Nahaharap sa kasong kriminal sa Department of Justice (DoJ) ang isang kumpanya dahil sa umano’y pagpupuslit ng mahigit 7,000 sako ng bigas sa bansa.

Nitong Lunes, nagsampa ng kaso ang Bureau of Customs (BoC) laban sa Seven Myth Marketing, gayundin sa may-ari ng kumpanya na si Leoncio Victor Mangubat at sa customs broker na si Mary Faith Miro.

Ayon sa BoC, inakusahan ang Seven Myth Marketing ng paglabag sa Section 1400 (Misdeclaration, Misclassification, Undervaluation in Good Declaration), in relation to Section 1401 (Unlawful Importation or Exportation) ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA); economic sabotage for large-scale agricultural smuggling sa ilalim ng CMTA; at Article 172 in relation to Article 171 (Falsification by Private Individuals and Use of Falsified Documents) ng Revised Penal Code.

Nabatid na ang nasabing kumpanya ay nagdala sa bansa ng dalawang shipment, na nagmula sa China, at idineklara ng consignee ang kargamento bilang ceramic tiles at dumating sa Port of Cebu noong Nobyembre 27 at 29, 2017.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Nadiskubre sa kargamento na naglalaman ito ng 7,150 sako na tig-50 kilo ng Sinandomeng Aguila at Sinandomeng Mayon rice na may tinatayang P10,013,503.50 duties and taxes.

Binigyang-diin ng BoC na sa 15 container, isa lang sa mga ito ang naglalaman ng ceramic tiles.

Matapos ialerto ang shipments noong Disyembre 7, 2017 base sa natanggap na derogatory information ng BoC, ito ay kinumpiska noong Disyembre 13, 2017.

Bukod sa Myth, nagsampa rin ng kasong kriminal ang BOC laban sa Granstar Premier Sports Corporation.

Kinasuhan din ang mga may-ari at broker ng Grandstar ng paglabag sa Sections 2503 (Undervaluation, Misclassification, Misdeclaration in Entry), 3602 (Various Fraudulent Practices against Customs Revenue), 3601 (Unlawful Importation) of the Tariff and Customs Code of the Philippines (TCCP); at Article 172 (Falsification by Private Individuals and Use of Falsified Documents) ng Revised Penal Code.

Nag-ugat ang kaso dahil sa umano’y shipments ng 112 unit ng bagong Vespa scooters, na galing sa Singapore at dumating sa Subic Bay Freeport Zone.

Ayon pa sa BoC, idineklara ang shipments na nasa kabuuang $50,400 o P2,504,128 imported goods, na mas mababa kumpara sa $3,448.24 kada unit ng aktuwal na halaga ng produkto. - Jeffrey G. Damicog