MARAWI CITY – Umaapela kay Pangulong Duterte ang mga Maranaw na pigilan ang implementasyon ng tinatawag nilang “imposed” na plano ng pamahalaan na muling itayo ang Marawi City mula sa pagkakawasak sa limang buwang bakbakan sa pagitan ng puwersa ng gobyerno at ng mga terorista.
Iginiit ng mga umaapela, na nagmula sa Ranaw Multi-Sector Movement (RMSM) na karamihan ay mga propesyunal na Maranaw na naapektuhan ng labanan sa Marawi, ang kanilang panawagan sa kanilang liham sa Pangulo isang araw bago ang kanilang prayer rally kahapon, Biyernes Santo, sa People’s Park.
Ayon sa kanila, iprinisinta ng matataas na opisyal, sa pangunguna ni Sec. Eduardo Del Rosario, chairman ng Task Force Bangon Marawi, at ni National Economic Development Authority (NEDA) Undersecretary Adoracion Navarro, sa isang pulong sa siyudad nitong Marso 21-22 ang pinaplanong eco-zone at kampo militar na itatayo sa lungsod.
“Mr. President: We, the people of Marawi City and those who are one with us, would like to appeal to your kind office to… stop the plan (execution),” saad sa liham ng RMSM, binigyang-diin ang kawalan ng transparency at partisipasyon ng mamamayan ng Marawi sa pagpaplano sa rehabilitasyon.
Halos lahat ng mahigit 200,000 residente ng Marawi, na 98 porsiyento ay mga Maranaw, ang lumikas mula sa kanilang mga bahay sa kasagsagan ng bakbakan laban sa Maute-ISIS, na nagsimula noong Mayo 23, 2017. Halos nawasak ang buong siyudad sa limang buwang digmaan at kinakailangang isailalim ito sa masusi at malawakang rehabilitasyon.
Gayunman, binatikos ng RMSM ang planong rehabilitasyon sa lungsod dahil sa kawalan ng partisipasyon ng mismong mga bakwit sa proseso ng pagtatayo ng bagyong Marawi.
“Mr. President, we understand the urgencies that led to the war. We may not all agree to the manner it was waged and won. What we can do now is to face the future and do what is best to be done. Right now, the future seems threatening. Forces are moving that threaten to do far greater damage to our people than what the war has done,” bahagi pa ng liham ng RMSM. - Ali G. Macabalang