PANANDALIAN lamang ang pagbabalik-aksiyon ni Kevin Durant matapos mapatalsik sa laro bunsod ng dalawang technicals bago matapos ang halftime.                        AP
PANANDALIAN lamang ang pagbabalik-aksiyon ni Kevin Durant matapos mapatalsik sa laro bunsod ng dalawang technicals bago matapos ang halftime. AP

OAKLAND, Calif. (AP) — Napatalsik sa laro si Kevin Durant bago ang halftime, at sinamantala ng ng Milwaukee Bucks ang kakulangan sa player ng Golden State para maitarak ang 116-107 panalo nitong Huwebes (Biyernes sa Manila).

Hataw si Giannis Antetokounmpo sa naiskor na 32 puntos para sandigan ang Bucks sa ikalawang panalo sa huling 10 pakikipagtuos Sa Warriors. Napanatili rin ng Bucks ang bentahe sa Detroit para sa huli at ika-8 playoff spot sa Eastern Conference.

Nagbalik aksiyon si Durant mula sa anim na larong pahinga dulot ng injury sa kanang tadyang, ngunit panadalian lamang ang kanyang presensya nang bigyan siya ng dalawang technical ni referee Tre Maddox nang kwestyunen ang isang non-call sa kanyang driving lay-up may 3.4 segundo ang nalalabi sa second period.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Naisalpak ni Khris Middleton ang dalawang free throw para tuldukan ang 11-0 run at kunin ng Milwaukee ang 58-49 bentahe sa halftime.

Nakamit ng Warriors, naglalaro na wala sina All-Stars Stephen Curry (ankle sprain) at Klay Thompson (broken thumb), ang ikatlong sunod na kabiguan at ikapito sa huling 10 laro.

Tangan ng Houston ang No. 1 seed sa Western Conference, habang bumagsak ng isang laro ang Golden State sa East-leading Toronto para sa No.2 spot.

Kumana lang si Durant ng 10 puntos, anim na assists at tatlong rebounds sa loob ng 17 minutong paglalaro, habang tumipa si Draymond Green ng 11 puntos at anim na assists.

Umabante ang Bucks sa 92-72 tungo sa final period.

SPURS 103, THUNDER 99

Sa San Antonio, giniba ng Spurs, sa pangunguna ni LaMarcus Aldridge na may 25 puntos at 11 rebounds, ang Oklahoma City Thunder, para makabalik sa No.4 spot sa Western Conference playoff.

Napantayan ng San Antonio ang Oklahoma City sa 44-32, ngunit nasa No.5 ang Thunder, isang laro ang bentahe sa nakabuntot na New Orleans Pelicans.

Nanguna sa Thunder si Paul George na may 26 puntos at anim na assists, habang kumubra si Russell Westbrook ng 19 puntos at 11 assists.

Nagbakod ng matibay na depensa ang magkabilang panig, ngunit nagresulta pa rin sa 10 palitan ng kalamangan at pitong pagtabla.

Naisalpak nina Patty Mills at Davis Bertans ang magkasunod na three-pointer para sa 94-87 bentahe ng Spurs may apat na minuto ang nalalabi sa laro.

PACERS 106,KINGS 103

Sa Sacramento, Calif., kumubra si Victor Oladipo ng 24 puntos sa fourth quarter, tampok ang dalawang free throw sa huling 2.5 segundo para gabayan ang Indiana Pacers kontra Kings.

Ratsada si Bojan Bogdanovic ng 25 puntos at tumipa si Thaddeus Young ng 18 puntos at walong ebounds, habang tumipa si Darren Collison ng walong puntos at siyam na assists.

Nag-ambag si Willie Cauley-Stein ng 19 puntos at pitong rebounds.

HEAT 103, BULLS 92

Sa Miami, napanatili ng Heat ang adhikain na makausad sa playoff sa malaking panalo sa home game.

Hindi pa pormal ang pagpasok ng Heat sa playoff, ngunit nakaantabay na ang Heat matapos paluhurin ang Chicago Bulls para sa ikawalong sunod na panalo sa home game.

“I think we’re pretty solid on defense right now,” pahayag ni Heat guard Josh Richardson, nanguna na may 22 puntos.

Nag-ambag si Goran Dragic ng 17 puntos para sa Miami, habang tumipa sina Justise Winslar at Kelly Olynyk ng tig-11 puntos para makausad ang Heat (41-35) sa No. 6 spot sa Eastern Conference playoff race.

“I want to start the playoffs right away,” sambit ni Dragic “But first, we need to take care of business and be professional.”

Sa iba pang laro, nabuhay ang kampanya ng Detroit Pistons na makausad sa playoff nang maitala ni Andre Drummond ang 24 puntos at 23 rebound sa panalo ng Pistons sa Washington Wizards.

“This wasn’t a pretty game, but we found a way to get the win and stay in the hunt,” sambit ni Reggie Jackson.

“Andre deserves a lot of credit for that, because he was great. We know he can get big numbers, but he was taking away everything in the post tonight. That was huge.”