Pinaalalahanan kahapon ng Department of Health (DoH) ang publiko na ugaliing maghugas ng kamay para makaiwas sa conjunctivitis o sore eyes, na ayon sa ilang pag-aaral ay maaring mauwi sa pagkabulag.

Nag-paalala ang DoH dahil sa unti-unti nang pag-init ng panahon kung kailan mabilis na kumalat ang naturang sakit sa mata.

Ang sore eyes ay maaaring viral infection o makuha sa bacteria o allergen. Ilan sa mga sintomas nito ang pangangati, pamumula, pagluluha at matinding pagmumuta ng mata. Maaari rin itong manakit kung malalantad sa sikat ng araw at tumatagal ng lima hanggang 12 araw.

Walang gamot sa sore eyes sa acute phase nito, mula isa hanggang dalawang linggo, ngunit maaari namang magbigay ng ilang pamatak sa mata ang mga doktor upang mabawasan ang discomfort na dulot ng sakit.

'So refreshing!' Netizens nakakita ng 'Diwata' sa Boracay

Pinapayuhan ng DoH ang publiko na kung marami ang inilalabas na nana ng mata at nagiging sanhi na nang panlalabo o matinding pananakit ng mata ay dapat na itong ikonsulta sa ophthalmologist.

Paalala pa ng DoH, madaling maihawa o mailipat sa iba ang sore eyes kaya’t dapat na pag-ingatan ito. Para makaiwas sa sore eyes ugaliin ang madalas na paghuhugas ng kamay, bawasan ang hand-to-eye contact, at huwag makigamit ng towels, make-up, sunglasses, at eye drops. - Mary Ann Santiago