Ni Mary Ann Santiago

Hinikayat ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga Katoliko, partikular na ang mga taong nasa kapangyarihan, na maglingkod sa kapwa gaya ni Hesus, na inialay ang sarili upang pagsilbihan ang kanyang mga disipulo.

Ang pahayag ay ginawa ni Tagle nang pangunahan niya ang evening mass para sa Huling Hapunan ng Panginoon nitong Huwebes Santo ng gabi sa Manila Cathedral sa Intramuros, Maynila, kung saan isinagawa rin ang tradisyunal na “Washing of the Feet”.

Hindi naman nagbanggit ng partikular na tao ang Cardinal ngunit sinabing ang mga kasalukuyang lider ng bansa ngayon ay mistulang nag-e-enjoy sa taglay nilang kapangyarihan at kapit-tuko, na ayaw nang bumaba sa puwesto.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

‘KAPIT-TUKO SA PUWESTO’

“Sa mundo natin ngayon, sanay na sanay tayo na may mukhang umaalis sa matayog na posisyon pero kapit-tuko pala, ayaw lumisan. Hindi ganyan si Hesus, handa Siyang lumisan dahil mahal Niya ang kanyang mga alagad,” banggit ni Tagle sa kanyang homiliya.

“Kapag ikaw ay nasa taas na, ayaw mo na lumisan. Lahat gagawin mo para manatili na diyan. Pero si Hesus hindi,” aniya pa. “Lumilisan si Hesus, binabago ni Hesus ang kalakaran… ‘Lilisanin ko ang aking dangal, at kayo’y huhugasan ko ng paa’.”

Sumentro rin ang homiliya ni Tagle sa pagmamahal at walang hanggang pagsasakripisyo upang magsilbi sa iba, tulad ng ginawa ni Hesus.

“Hindi dahil galit kung hindi dahil nagmamahal, sa kanilang pag-ibig, handa silang magpata ng dusa,” sabi pa ni Tagle. “Ang pag-ibig ay walang katapusang paglisan, pag-alis sa sarili. Ang hindi handang tumawid, umalis sa kanyang sarili, hindi marunong magmahal.”

WASHING OF THE FEET

Sa nasabing banal na misa, hinugasan at hinalikan ni Tagle ang mga paa ng 12 indibiduwal, upang gunitain ang ginawang paghuhugas ni Hesus sa mga paa ng kanyang 12 apostol bago siya ipinako sa krus.

Kabilang din sa mga hinugasan ni Tagle ang mga paa ay ang mga magulang ni Joanna Demafeliz, si Fr. Chito Suganob, isang mag-asawang tauhan ng Philippine Navy, at iba pa.