Ni Annie Abad

HANDA ang Philippine Sports Commission (PSC) na suportahan pa rin ang mga atleta ng Philippine Karatedo Federation (PKF) sa panahon nang pagsabak sa international tournament kabilang na ang Asian Games sa Agosto na gaganapin sa Indonesia.

ramirez

Ipinaliwanag ni PSC chairman William Ramirez, na wala umanong karapatan ang ahensya na pumigil sa isang National Sports Association (NSA) na magbuo ng koponan at ilaban sa international kompetisyon.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ang tangi umanong karapatan ng PSC ay itigil ang pagsusuporta sa pondo kung kinakailangan at ipasara ang tanggapan na nasasakop ng ahensya.

“We can stop funding, we can padlock the office but we cannot stop an NSA if they want to compete in an international competition or not,” ani Ramirez.

Sa kaso ng PKF, napilitan ang PSC na ihinto ang suportang pinansyal dito at isuspindi ang NSA, matapos lumabas ang kontrobersiya tungkol sa umano’y nawawalang allowance ng mga atleta na dapat sana ay ginamit sa kanilang training sa Germany noong nakaraang taon, kung saan inireklamo ng mga atleta nito ang kanilang Secretary General na si Raymund Lee Reyes.

Ayon pa kay Ramirez, hindi naman ang kanilang ahensya ang nagsimula ng problema kundi ang PKF na rin mismo, matapos na ilantad ng mga atleta nito ang mga katiwalian na nagaganap sa loob ng samahan.

“The problem was not created by the PSC, it was created by Karatedo. But it’s up to them if they will send their athletes to the Asian Games, it will be depending on the POC and their NSA,” ani Ramiez.

Inireklamo ng mga atleta ang ilang opisyal ng PKF na umano’y umabuso sa kanilang kapangyarihan.

Ayon kay Ramirez, nasa PKF pa rin ang desisyon kung ipapadala nito ang kanilang mga premyadong atleta.

“It’s up to them kung magpapadala sila ng athletes o hindi problema nila yun. Ang POC ang dapat na kausapin nila dun. Ang mangyayari kasi niyan, mawawalan tayo ng chance para sa medal, e magagaling na athletes yung mga bata na ‘yun. They can give honor to the country, so it’s up to PKF,” ani Ramirez.