ni Johnny Dayang

TILA isang malaking pagkakamali ang pagsasara ng Boracay ng gobyerno. Parang hindi pinag-isipang mabuti ang panukalang ito bilang reaksiyon sa pahayag ng Pangulo na isang “cesspool” o poso negro ang isla. Kung ito’y ipatutupad, ang magdurusa at mawawalan ng kabuhayan ay ang libu-libo nating mga kababayan na umaasa sa mga trabahong nakaangkla sa turismo.

Kailangang tingnan at pagnilayang mabuti ang mga isyung nakaaapekto sa premyadong isla. Maaaring mauwi ito sa malaking disgrasya na sa bandang huli ay pagsisisihan ng bansa.

Sa totoo lang, ang dapat sisihin sa mga problemang kinasasadlakan ngayon ng Boracay ay ang mga pambansa at lokal na mga opisyal ng pamahalaan, mga mamumuhunan at malalaking negosyanteng lumabag sa mga batas-pangkalikasan at nakinabang sa popularidad ng isla.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Kabilang sa mga problemang ito ang mga isyu sa mga pasilidad sa tubig at alkantarilya o sewerage, na kung ibibigay sa mga blue-chip players ay tiyak na mauuwi sa malalaking singil para sa mga gumagamit. Dahil nga sa malaking halaga ang kailangan sa pagtatayo ng de-kalidad na mga water treatment plants at sewerage system, mas kakatig sa negosyo ang panukalang pagsasara.

Bakit parurusahan ang karaniwang mga mamamayan sa kabiguan ng pamahalaan na ipatupad ang ating mga batas, at bakit sisisihin ang mga manggagawa sa malaking kapahamakang hinaharap ngayon ng isla?

Seryosong hakbang ang pagsasara ng Boracay. Dapat ba itong ituloy kung may iba namang makabuluhang pamamaraan para mapanibagong-ayos ang isla? Isa rito ang paghahati-hati ng ilang bahagi ng isla at isa-isang ayusin ang mga ito para tiyak na maayos at katamtaman lamang ang magiging perhuwisyo.

Higit malungkot ang pahayag ni DENR Secretary Roy Cimatu na “no pain, no gain.” Mali, marahas pa ito para sa karaniwang mamamayan na walang kinalaman sa mga kamalian ng mga opisyal ng gobyerno at mga oportunistang malalaking negosyanteng kabarkada nila.

Higit pa sa pagkawala ng mga turista ang idudulot ng matagalang pagsasara ng Boracay. Wawasakin din nito ang pundasyon ng kabuhayan ng isla at mga residente nito. Naniniwala nga ba ang gobyerno na ang pagkalusaw ng mga pinagkakakitaan ng kabuhayan ay makabubuti sa Boracay?

Lumala ang mga problema ng Boracay sa nakaraang mga taon ngunit kailangang maging makatuwiran ang lunas. Bukod negosyantesa planadong rehabilitasyon, kailangang papanagutin ang mga opisyal ng gobyerno at malalaking negosyante na lantarang lumabag sa batas at turuan sila ng leksiyon dahil sa kanilang pang-aabuso. Hindi dapat madamay ang mga walang kasalanan.

Kung isasara ang Boracay, malalaking negosyante lamang ang makikinabang.