Sinulat at mga larawang kuha ni LYKA MANALO
ANG Padre Pio Shrine ay puntahan ng mga deboto at pasyalan na rin ng mga turista sa Sto. Tomas, Batangas lalo na ngayong Mahal na Araw habang ginugunita ang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesukristo.
Ayon kay Father Jojo Gonda, parish priest sa Padre Pio, nagsisimula ang programa ng Mahal na Araw sa pagtitipon ng mga deboto sa Linggo ng Palaspas o Palm Sunday bandang 6:00 ng umaga sa second entrance ng shrine para sa pagbendisyon sa palaspas at nagkakaroon ng prusisyon patungo sa main church kung saan ginaganap ang misa.
Pitong misa ang isinasagawa sa buong araw ng Palm Sunday at binasbasan ang dala-dalang palaspas ng mga tao bago umpisahan ang bawat misa.
Limang misa naman ang ginagaganap pagsapit ng Lunes at Martes at sa buong araw ay nagpapakumpisal ang mga pari sa mga debotong nagnanais mangumpisal.
Pagsapit ng Miyerkules, dakong 3:00 ng madaling araw ay nagtitipon na ang mga tao mula sa San Agustin, dulong barangay na nakasasakop sa bahagi ng shrine, nakayapak sa paglalakad ang karamihan patungo sa Padre Pio Shrine sa Barangay San Pedro na tinatawag na Prusisyong Istasyong Heneral.
Limang misa ang isinasagawa sa buong araw ng Miyerkules at ang kumpisalang bayan ay ginagawa ng 15 pari hanggang tanghali.
Pagkukumpisal din ang ginagawa sa buong umaga ng ng Huwebes Santo at pagsapit ng hapon ay ginagawa ang Last Supper Mass, prusisyon ng Blessed Sacrament na inilalagay sa sulok ng simbahan na siyang binibisita ng mga nagsasagawa ng Bisita Iglesia hanggang hatinggabi.
Bagamat walang misa pagsapit ng Biyernes Santo, may mga pagdarasal na ginagawa sa umaga at pagkukumpisal.
Renewal of Baptismal Promises
Pagsapit ng tanghali ay nagsesermon ang mga pari tungkol sa Pitong Wika ni Hesus sa Krus at pagdating ng 3:00 ng hapon ay ang pagdadalamhati sa pagkamatay ni Hesukristo sa pagpapahalik sa krus, komunyon at prusisyon dala ang iba’t ibang imahe ng mga santo.
Pagdarasal lamang sa umaga ng Sabado de Gloria ang isinasagawa at easter vigil pagsapit ng 8:00 PM kasama ang pagbabasbas sa mga kandila, at Misa na isasagawa ni Cardinal Gaudencio Rosales.
Dito na rin ginagawa ang renewal ng baptismal promises, pagbibinyag sa mga nagnanais at ang salubong at dagit.
Walong misa naman ang isinasagawa pagsapit ng Linggo ng Pagkabuhay mula 5:30 ng umaga hanggang 6:00 ng hapon.
“Ang Holy Week ay panahon ng pagdarasal, linggo ng pinakamahalaga sa pananampalatayang Kristiyano, ito ay obligasyon ng mga Katoliko na sumimba at makiisa sa mga gawain ng simbahan,” sabi ni Father Gonda na 33 taon nang pari.
Ikinuwento niya na si Padre Pio ay isa sa maraming debosyon bukod kay Hesukristo at Mama Mary dahil sa pagpapagaling nito sa mga maysakit noong nabubuhay pa at mas marami pang napapagaling kahit namayapa na.
Ipinangalan kay Padre Pio ang itinayong parokya sa Sto Tomas, Batangas noong 2003, isang taon makaraang ideklarang itong santo noong 2002 sa panahon ni Archbishop Rosales ng Archdiocese ng Lipa.
Idineklarang National Shrine ang Padre Pio ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) noong taong 2015 sa ilalim ng pamamahala ni Archbishop Ramon Arguelles.
Ngunit maging noong hindi pa naman naidedeklarang National Shrine, marami na ang bumibistang turista sa lugar na nag-umpisang dagsain noong 2012.
Sinabi ni Fr. Gonda na tinataya ng Simbahan na nasa 50,000 hanggang 60,000 katao ang nagpupunta sa shrine kada linggo at umaabot naman sa 30-40 libo katao ang nagsisimba tuwing araw ng Linggo.
Noong nakaraang taon, umabot sa 800,000 katao ang mga debotong bumisita sa shrine sa panahon ng Mahal na Araw at inaasahang magdodoble pa ito o tinatayang nasa 1.5M katao ang magtutungo ngayong taon.
Healing Liturgy
Marami sa mga maysakit ay napapanaginipan si Padre Pio kaya nagtutungo sila sa shrine.
Ang Padre Pio Shrine ay nagsasagawa ng healing liturgy tuwing 9:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon sa ika-23rd ng bawat buwan alinsunod sa petsa ng pagpanaw ni Padre Pio noong Setyembre 23, 1968. Nakalaan naman ang huling Sabado naman ng buwan para sa healing ng mga naka-wheelchair.
“Kami lang sa Pilipinas ang may healing liturgy, mayroon kaming 16 na first class relics, pinapahalik namin ‘yung mga maysakit sa relics, ‘yung may dugo at buhok ni Padre Pio,” ani Fr. Gonda.
Isinasagawa sa healing liturgy ang pagbasa ng Bibliya, pray over ng mga tao, paghalik sa relics, at pagpila para malagyan ng mga madre, pari o seminarista ng langis ang noo at ang dalawang palad ng mga tao.
“Sasabihan sila ng ‘Through the intercession of Padre Pio, may God grant you healing the body mind, soul, heart and soul’, ‘tapos sasagot sila ng Amen, then pupunta na sila sa imahe ni Padre Pio.”
Ayon pa kay Fr. Gonda, si Padre Pio ay simbolo ng pag-asa para sa buong mundo, na sa kabila ng mga dinaranas na paghihirap ay hindi nawawalan ng tiwala sa Diyos tulad ng simbahan na nagsisilbing pag-asa para sa mga nawawalan ng tiwala sa kanilang pananampalataya.
“’Yung mga nawawalan ng pag-asa most likely nasa labas ng simbahan ‘yan, hindi nagdadasal, hindi nagdedebosyon, hindi nagsisimba, kaya they are out of the structure of the church which is the sign of hope para sa mga tao sa panahong ito.”