Ni Betheena Kae Unite

Nasa P600 milyon ang halaga ng umano’y pekeng beauty at skin care products ang nadiskubre sa dalawang bodega sa Tondo at Binondo, Maynila.

Bitbit ang letter of authority mula kay Customs Commissioner Isidro Lapeña, ininspeksiyon ng Enforcement and Security Service (ESS) agents ang bodega sa Bldg. 1336, Antonio Rivera Street, Tondo at Dona Maria Lim Bldg. Ilang-Ilang St., Binondo kung saan natagpuan ang ilang kahon ng mga kilalang brand ng beauty at skin care products.

Napag-alaman na ang mga brand owner ang nag-tip sa tanggapan hinggil sa umano’y bodega ng mga pekeng bersiyon ng kanilang produkto.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Base sa inisyal na imbestigasyon, isang Kevin Lee ang umuokupa sa nasabing bodega sa Tondo habang isang Anthony Lee at Brian Lee ang mga umuokupa sa bodega sa Binondo.

Ayon sa impormante, ang mga Chinese na ito ay magkakatuwang sa negosyo.

Sa kabilang dako, ang mga produkto ay sinasabing galing sa China, ayon kay Lapeña.

“We are now coordinating with other brand owners to identify whether their products found in both warehouses are counterfeit,” dagdag ni Lapeña.

Sa oras na mapatunayan na ang mga produkto ay peke, ayon sa Customs chief, mahaharap ang mga may-ari sa kasong paglabag sa Intellectual Property Law.

Inimpormahan ng BoC agents ang mga okupante na magkaloob ng ebidensiya na bayad ang mga ito sa pamamagitan ng pag-iiwan ng notice sa may-ari ng gusali dahil walang nadatnan nang isagawa ang inspeksiyon.

Sinabi rin ni Lapeña na mayroong 15 araw ang mga okupante, mula sa araw ng pag-inspeksiyon, na Marso 22, upang ipagkaloob ang hinihinging mga dokumento.

Kapag sila ay nabigo, agad kukumpiskahin ang mga produkto at agad na sisirain.

“Smugglers nowadays are bold to import these counterfeit items because majority of the Filipinos patronize fake products because of its cheaper price,” ani Lapeña.

“Kayang-kaya ng budget at mura kumpara sa original pero the continuous usage of these products pose harm to our health. These are unfit for human consumption. These did not undergo quality control, these products might contain poisonous chemicals that were not indicated on the package,” dagdag ni Lapeña.