Ni Rommel P. Tabbad
Paiimbestigahan ng kaanak ng isang pasyente ang isang pribadong ospital sa Nueva Ecija, dahil sa labis umanong paniningil nito.
Inirereklamo ni Rosielyn Soriano-Benedicto ang isang pribadong medical center sa Maharlika Highway sa Daan Sarile, Cabanatuan City kung saan anim na araw na naratay ang kanyang inang si Teresita Soriano, ng Barangay Caalibangbangan, Cabanatuan City.
Sa salaysay ni Benedicto, na-confine sa pagamutan ang ina nito nitong Pebrero 22 dahil sa labis na panghihina dulot ng breast cancer nito.
Matapos ang anim na araw ay ipinasya ng doktor ni Soriano na palabasin muna ito sa ospital matapos mabayaran ang P80,000 na hospital bill nito.
Gayunman, makalipas ang halos isang buwan ay nagpadala umano ng text messages ang kawani ng ospital na si Krissa Camelon, nakatalaga sa Blood Bank Section, at sinisingil umano ang pasyente ng P5,000 para umano sa mga dugong naiturok kay Soriano, bukod pa ang handling at storage fee nito.
“Sobra naman sila. Binayaran po namin ang lahat ng bill ni Nanay bago siya lumabas ng ospital. Ano ang palagay nila sa amin, maraming pera?” himutok ni Benedicto.
Bigo namang makuhanan ng pahayag ang medical director ng pagamutan dahil nasa bakasyon umano ito.