Ni Mary Ann Santiago

Arestado ang isang motorista nang manutok ng baril at sampalin ang jeepney driver na nakagitgitan nito sa kalsada sa Barangay Sto. Niño, Marikina City kamakalawa.

Kasong Republic Act 10591 o illegal possession of firearms, grave threat at physical injury ang kakaharapin ng suspek na si Roniel Baculo, nasa hustong gulang, matapos ireklamo ni Prince Wency San Juan, jeepney driver.

National

Amihan, shear line, magpapaulan sa malaking bahagi ng PH

Sa ulat ng Marikina City Police, naganap ang insidente sa E. Manalo Street, kanto ng 1st St., sa Barangay Sto. Niño, bandang 5:00 ng hapon.

Sakay umano ang suspek sa puting Isuzu van, habang minamaneho naman ng biktima ang kanyang pampasaherong jeep nang magkagitgitan sa E. Manalo Street.

Pagsapit sa kanto ng 1st Street, sinadya umanong sagiin ng suspek ang sasakyan ng biktima at saka hinarangan ang daraanan nito.

Dahil dito, napilitang bumaba sa kanyang sasakyan ang biktima upang alamin ang pinsalang nagawa ng suspek, ngunit nagulat umano ito nang lapitan siya ng suspek, na armado ng baril, at saka siya sinampal.

Agad sumakay ang suspek sa kanyang van at humarurot, ngunit hinabol ito ng mga rumespondeng tauhan ng Police Community Precinct 3 (PCP-3) at inaresto at dinala sa himpilan ng pulisya.