Ni MARY ANN SANTIAGO
Kulong at mahaharap sa kasong pambubugbog at tangkang pagpatay ang walong lalaki, na kinabibilangan ng limang menor de edad, nang kuyugin at saksakin ang isang 16-anyos na lalaki habang nanonood ng Senakulo para sa Mahal na Araw sa Barangay Itaas, Mandaluyong City kamakalawa.
Bukod sa limang menor de edad, inaresto ng mga nagpapatrulyang tanod ang mga suspek na sina Albert Ablañez, Emmanuel Jesus Botin, at Emerson Galura, pawang nasa hustong gulang at residente ng naturang lugar.
Naaktuhan silang binubugbog ang 16-anyos na lalaki.
Sa ulat ng Mandaluyong City Police, naganap ang insidente sa Pantaleon Street, kanto ng Oliveros St., sa Bgy. Itaas, dakong 11:03 ng gabi.
Nanonood umano ang biktima ng stage play ng Senakulo nang lapitan ng mga suspek at pinagtulungang bugbugin.
Hindi pa nasiyahan, isa sa mga suspek ang bumunot ng patalim at sinaksak ang biktima sa likod.
Namataan mga tanod ang kaguluhan at agad rumesponde at inaresto ang mga suspek, habang ang biktima ay isinugod sa ospital upang lapatan ng lunas.