SINUSUBAYBAYAN ng buong mundo ang tuluy-tuloy na protesta para sa mas mahigpit na gun control sa United States. Ang mga nakalipas na protesta laban dito ay hindi tumatagal nang mahigit isang linggo matapos ang maramihang pagpatay.
Ang pinakahuli ay noong Pebrero 14, kung saan pinatay ng isang teenager ang 14 na estudyante at tatlong guro sa isang high school sa Florida, ay hindi agad nakalimutan gaya ng iba. Idinaos ang “March for Our Lives” protest rallies nitong Sabado, Marso 25, na ang pinakamalaking pagkilos ay isinagawa sa Pennsylvania Avenue sa Washington, DC, kung saan matatagpuan ang US Congress.
Sa US Congress direktang ipinararating ng kabataang raliyista ang kanilang apela. Nais nilang pakilusin ang Kongreso upang (1) ipagbawal ang pagbebenta ng mga assault weapon, na idinisenyo lamang para gamitin ng militar sa mga digmaan sa iba’t ibang dako ng mundo, at kayang magpakawala ng daan-daang bala sa loob lang ng ilang segundo; at (2) paigtingin ang pagsasagawa ng background check sa mga bumibili ng baril, upang ang mga may sakit sa pag-iisip at may mga nagawa nang krimen ay hindi magawang makabili ng armas.
Subalit ayaw ng mga nagsusulong ng pag-aarmas na mabawasan ang kanilang mga karapatan sa pagmamay-ari ng baril. Ang paninindigan nilang ito ay matagal nang iniuugnay sa Republican Party, na may kontrol ngayon sa Senado at sa Kamara de Representantes. Kaya naman hindi nagmamaliw ang pagtanggi ng Kongreso sa lahat ng pagpupursigeng higpitan ang mga patakaran sa pagmamay-ari ng baril.
Nitong Marso 13, ang isang espesyal na congressional election sa Pennsylvania ay nagbunsod sa pagkatalo ng isang kandidatong Republican, sa distrito kung saan humakot ng double digits na mga boto si President Donald Trump nang kumandidato siya noong 2016. Nauna rito, noong Disyembre, nabigo ang isang Republican senator sa estado sa Alabama na matagal nang loyalista ng mga Republican. Sa parehong insidente, sinisi ng mga Republican ang kanilang kabiguan sa maling pagpili ng mga kandidato. Sinisi naman ng ilang lider pulitiko si President Trump at ang kanyang mga polisiya.
Ang pagpapatuloy ng protestang “March for Our Lives” ay maaaring makaimpluwensiya sa isasagawang paghahalal ng mga senador at kongresista, habang mas maraming kandidato—na inspirado ng mga kasalukuyang rally sa Washington at sa iba pang bahagi ng Amerika, ang humahamon sa mga halal ngayong Republican officials. Bukod sa malaking protesta sa Washington, DC, nagtipun-tipon din ang mga raliyista nitong Martes sa aabot sa 800 iba pang siyudad, kabilang ang Atlanta, Baltimore, Boston, Chicago, Los Angeles, Miami, Minneapolis, San Diego, at St. Louis.
Inasahan nating walang masyadong mangyayari pagkatapos ng mass killing sa eskuwelahan sa Florida. Magpapatuloy lang sa pagtupad sa kani-kanilang tungkulin ang US Congress at ang administrasyon ni Trump. At makalipas ang ilang buwan ay magkakaroong muli ng isa pang maraming pagpatay sa iba pang paaralan sa bansa.
Gayunman, hindi nababawasan ang tindi ng protesta. Kumalat pa nga ito sa iba pang mga lungsod sa ibang bansa—mula sa London, Stockholm, Sydney, hanggang sa Mauritius. Umaasa tayong ang mga kilos-protestang ito ng kabataan ay pakikinggan ng kani-kanilang opisyal. Maaaring may epekto na ito sa darating na eleksiyon, sa pagpili ng mga susunod na kasapi ng Kongreso.