Ni GENALYN D. KABILING

Ibabasura ba ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukala na gawing legal ang diborsiyo sa bansa sakaling ipasa ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang nasabing hakbang?

Kahit na nagpahayag ang Pangulo ng pagtutol sa diborsiyo, sinabi ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar na hintayin na lamang ang desisyon ni Duterte kung gagamitin nito o hindi ang kanyang veto power para patayin ang panukala.

“I could not say if he (Duterte) will veto it or not. Let’s just wait for the next chapter,” sinabi ni Andanar sa panayam sa radyo kamakailan.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Aminado si Andanar na nagpahayag na ang Pangulo ng personal nitong paninindigan sa laban sa diborsiyo, at tila mas pinapaboran ang umiiral na batas sa annulment.

Ipina-annulled ni Duterte ang kanyang sariling kasal.

“We have our views in life. Of course, the President stands firm on his beliefs, including opposition to death penalty. In the aspect of divorce bill, he is not in favor of that,” ani Andanar.

“Since he had a good experience in terms of the annulment law and its application to his life so maybe that’s his position. It’s really difficult to say why but that’s the stand of the President,” dugtong niya.

Palapit nang palapit ang bansa sa divorce law matapos ipasa ng Kamara ang House Bill 7303 o “An Act Instituting Absolute Divorce and Dissolution of Marriage in the Philippines” sa kabila ng matinding pagtutol ng Simbahang Katoliko.

Tila nagdadalawang-isip naman ang Senado na ipasa ang panukalang batas na magpapahintulot ng diborsiyo sa bansa.

Sa ngayon, ang Pilipinas at Vatican na lamang ang nalalabing mga estado sa mundo na walang diborsiyo.