Nina MARY ANN SANTIAGO at TARA YAP, ulat ni Genalyn D. Kabiling

Marami pa ring turista ang dumadagsa sa isla ng Boracay sa Malay, Aklan ngayong Semana Santa ilang linggo bago ang pinaplanong pagsasara sa pangunahing tourist destination ng bansa simula sa susunod na buwan.

Batay sa ulat ng Malay Municipal Tourism Office sa Department of Tourism (DoT), nitong Marso 1-27 ay umabot sa 140,643 ang mga turistang dumating sa Boracay.

Inaasahang madadagdagan pa ang nasabing bilang, at posibleng malampasan pa ang 167,445 turistang dumagsa sa isla sa kaparehong panahon noong 2017.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Iniulat rin ng tanggapan na sa unang dalawang buwan ng 2018 ay pumalo na sa 375,993 ang turistang bumisita sa isla, na higit na mataas kumpara sa 344,026 na dumayo sa kahalintulad na panahon noong 2017.

Bagamat “business as usual” pa rin sa Boracay ngayon, inaasahan ng DoT na unti-unti nang kakaunti ang mga turistang bibisita sa isla sa susunod na buwan, dahil sa napipintong pagsasara nito para sa anim na buwang rehabilitasyon, na inirekomendang simulan sa Abril 26.

Sa Huwebes, Abril 5, tatalakayin ng Gabinete ang planong pagpapasara sa isla sa loob ng anim na buwan.

‘LA NANG LABORACAY

Kaugnay nito, kanselado na rin ang taunang malakihang Labor Day parties sa Boracay ngayong taon—ang LaBoracay na idinadaos tuwing huling linggo ng Abril hanggang Mayo 1.

“In line with the on-going rehabilitation of Boracay Island, no special permits for big events will be issued for the duration of LaBoracay,” saad sa pahayag ng lokal na pamahalaan ng Malay nitong Miyerkules.

Noong nakaraang taon, dinagsa ng nasa 67,000 turista ang LaBoracay, at aabot sa mahigit 10,000 kilo ng basura ang nahakot sa loob lang ng isang linggo.

Gayunman, ipagbabawal pa rin ang mga party at maiingay na musika sa Boracay ngayong Biyernes Santo hanggang sa Linggo ng Pagkabuhay.

‘BITE THE BULLET’

Samantala, patuloy namang naninindigan ang Malacañang sa planong pansamantalang pagpapasara sa isla.

“Kung maging short-term iyong mga pananaw natin, masisira at masisira iyong isla, ang makikinabang lang ay itong henerasyon na ito, ‘yung mga henerasyon bukas ay hindi na makikinabang,” sinabi ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar sa isang panayam sa radyo.

“So we must really bite the bullet or take the bitter pill. Alam kong maraming magsasakripisyo dito sapagkat ‘yung hanapbuhay maapektuhan. Pero kung titingnan talaga natin, six months to one year lang naman ang hinihingi ng gobyerno para maiayos ang problema diyan,” aniya pa.