Ni FRANCIS WAKEFIELD

Malapit nang tuluyang matuldukan ang operasyon ang Abu Sayyaf Group (ASG) sa Basilan, kasunod ng pagsuko ng isa sa mga leader ng grupo at 13 tauhan nito.

Idinahilan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang matagumpay na operasyon at pakikipag-usap ng pamahalaan sa mga pinuno ng bandidong grupo na matagal nang naghahasik ng karahasan sa Mindanao.

Ayon sa kalihim, ang pagsuko ni Nhurhassan Jamiri at ng buong grupo nito ay senyales ng pagkakamit ng hustisya sa pagkasawi ng libu-libong sundalo, na nagbuwis ng kanilang buhay upang ipagtanggol ang mamamayan ng bansa.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Inilabas ni Lorenzana ang nasabing pahayag matapos na matanggap ang ulat ng pagsuko ni Jamiri kay Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom) commander Lieutenant General Carlito G. Galvez, Jr.

Isinuko rin ng grupo ni Jamiri ang 10 matataas na uri ng baril, 40 iba’t ibang magazine ng bala, 651 bala, isang MK52 fragmentation grenade, at iba pang kagamitang pandigma.

“The surrenderrers are currently undergoing custodial debriefing,” pahayag ni Joint Task Force Basilan commander Brigadier General Juvymax Uy.

Sa pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Mindanao nitong Marso 26, umapela siya sa mga bandido na una nang sumuko sa pamahalaan na tulungan siyang gawing mapayapa ang rehiyon kasabay na rin ng pagbibigay nito ng pagkakataon sa mga ito upang magbagong-buhay.