Ni Lyka Manalo
TAAL, Batangas - Sumuko na ang mga driver ng dalawang 10- wheeler truck na umararo sa isang kainan, na ikinasawi ng pitong katao sa Taal, Batangas, nitong Miyerkules ng madaling-araw.
Nakakulong na sa Taal Police sina Alejandro Villena, 35, ng Barangay Magahis, Tuy; at Sherwin Copo, 30, ng Bgy. Binubusan, Lian, Batangas.
Nauna nang sumuko si Villena kay Tuy Police chief Senior Insp. Domingo Ballesteros, habang nagpa-escort naman si Copo kay Bgy. Binubusan Chairman Crisencio Bulanon sa pagsuko nito sa pulisya.
Sa panig ni Villena, sinabi niyang Martes ng gabi nang pansamantala silang tumigil sa gilid ng Diversion Road sa Bgy. Carsuche at inihimpil ang kanilang mga truck na may kargang tubo (sugarcane) para matulog at magpalipas ng gabi bago dumiretso sa kanilang destinasyon sa Nasugbu, mula sa Calamba City, Laguna.
Dakong 5:50 ng umaga ng Miyekules nang paandarin nila ang makina para painitin ito at bumaba rin ang dalawa para umihi.
“Balak po namin na magkape. Binuksan ko lang ‘yung makina para painitin sana tapos papatayin uli. Umihi lang kami, pagharap namin parang nagkarera na ‘yung dalawang truck,” kuwento ni Villena.
Bumangga ang truck (WBC-768) ni Villena sa nasa unahan nitong truck (WKG-191) ni Copo, hanggang sumalpok sa poste.
Inararo naman ng truck ni Copo ang MJ Eatery, tsaka binangga ang lima pang sasakyang nakaparada sa gilid ng kalsada.
Dahil sa pagkalito at sa takot na kuyugin ng mga tao, tumakbo ang dalawa at sumakay sa pampasaherong van.
“Plano po talaga namin sumuko pero natakot kami na mapagtulungan ng mga nandoon,” paliwanag ni Villena.
Kapwa humihingi ng kapatawaran sina Villena at Copo sa mga pamilya ng mga biktima.