ISA sa mga unang hakbangin ni Pangulong Duterte nang maluklok siya sa tungkulin noong 2016 ay ang makipag-ugnayan sa pinuno ng Communist Party of the Philippines (CPP) upang ialok ang usapang pangkapayapaan. Kumpiyansa ang Pangulo na siya at ang kanyang dating propesor sa Lyceum of the Philippines, si CCP Founding Chairman Jose Ma. Sison, ay makagagawa ng paraan upang matuldukan ang 49 na taong rebelyon ng armadong sangay ng CPP, ang New People’s Army (NPA).
Sa mga sumunod na buwan, ikinonsidera ang ilang isyung pampulitika at pang-ekonomiya, ngunit hindi nagkasundo ang mga tagapamagitan sa iisang ceasefire; ang magkabilang panig ay may sariling tigil-putukan. Nagkaroon ng mga engkuwentro sa labas. Ayon sa Pangulo, Nobyembre 11, 2017 nang tambangan ng NPA ang sasakyan ng mga pulis sa Bukidnon, at napatay ang apat na buwang gulang na babaeng lulan sa kasunod na sasakyan. Nilagdaan niya noong Nobyembre 23 ang isang proklamasyon na nagpapatigil sa usapang pangkapayapaan.
Nagpatuloy ang bakbakan simula noon, ngunit nakumbinse ng pamahalaan ang libu-libong miyembro ng NPA na isuko ang kanilang armas, sa pag-aalok ng magagandang insentibo. Nitong nakaraang buwan, isang special envoy mula sa Norway, na nagsusulong sa negosasyon, ang nagtungo sa bansa upang makipagkita kay Pangulong Duterte. At nitong nakaraang linggo, pinirmahan ng 61 miyembro ng Kamara de Representantes, miyembro ng iba’t ibang partido, ang House Resolution No. 1803 na humihiling sa Pangulo na ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan.
Ang pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan ang pinakamagandang pagbabago, ngunit sa ipinahayag ni peace adviser Jesus Dureza nitong Linggo, mangyayari lamang ito kung mayroong “enabling environment conducive to negotiations.”
Sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na kinakailangang magpakita ng sinseridad ng CPP-NPA sa pamamagitan ng pagsang-ayon sa bilateral ceasefire agreement. Ipinatigil ang usapang pangkapayapaan nitong Nobyembre dahil ipinagpilitan ng CPP-NPA na maaaring isagawa ang negosasyon kahit na nagpapatuloy ang bakbakan. “I don’t believe in that,” ani Lorenzana. “If we talk, we should stop fighting first.”
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ang pangangailangan sa “enabling environment” ay panawagan sa mga rebelde na itigil ang karahasan laban sa mga sibilyan at puwersa ng gobyerno, itigil ang kanilang pangingikil, isuko ang kanilang mga armas, at muling sumunod sa batas. “This looks like a demand for a total capitulation on the part of the rebels and is not likely to be accepted. It should be enough that the fighting just stop,” giit ni Secretary Lorenzana.
Na kay Pangulong Duterte na ang pinal na desisyon kung ipagpapatuloy ang usapang pangkapayapaan. Nais niyang makita ang sinseridad ng mga rebelde. Ang pagkakasundo sa iisang bilateral ceasefire ay isang magandang senyales.
At tuluyan nang magpapatuloy ang usapang pangkapayapaan. Isa ito sa mga inisyatibang kanyang ginawa nang maging pangulo noong 2016. Ang pagpapatigil sa rebelyon ng NPA, na isa sa pinakamatagal nang labanan sa mundo, ay isang malaking pagsulong ng bansa.