Ni MARY ANN SANTIAGO
Pormal nang inilunsad kahapon ng Department of Transportation (DOTr) ang isang task force na tutugis sa lahat ng kolorum na sasakyan sa buong bansa, alinsunod na rin sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Nabatid na ang “Task Force Kamao”, na magpapatupad ng crackdown sa lahat ng colorum vehicles, ay isang inter-agency task force na pangungunahan ng DOTr at ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Makakatuwang ng dalawang ahensiya sa pagpapatupad ng nasabing programa ang ilang ahensiya, gaya ng Land Transportation Office (LTO), Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at iba pang enforcement at intelligence agencies.
Aminado naman si Transportation Undersecretary for Road Transport Tim Orbos na tulad ng ilegal na droga ay mabigat ding kalaban ang mga sasakyang kolorum.
“Mabigat ang ating kalaban. Parang drugs na rin ho ‘yan. Malalim ang ugat. Kaya ang panlaban dito ay magsama-sama at magsanib-puwersa,” sinabi ni Orbos sa paglulunsad ng task force.
Sinabi naman nina LTFRB Chairman Martin Delgra III at LTO Assistant Secretary Edgar Galvante, na mamumuno sa TF Kamao, na layunin ng task force na maging ligtas at kumbinyente ang mga pampasaherong sasakyan para sa mga pasahero.
Matatandaang ipinag-utos ni Pangulong Duterte ang nationwide crackdown sa mga kolorum na sasakyan, partikular ang mga bus, kasunod ng pagbulusok sa bangin ng Dimple Star Bus sa Occidental Mindoro, na ikinasawi ng 19 na pasahero, habang may 21 pang nasugatan.