Ni Orly L. Barcala

Sa selda gugunitain ang Semana Santa ng isang online seller na nagbebenta umano ng depektibo at pekeng cell phone, matapos ipaaresto ng nabiktima nito sa Valenzuela City, nitong Martes ng hapon.

Nahaharap sa kasong estafa ang suspek na si Joyce Dampil, 30, ng DMN Compound, Barangay Potrero, Malabon City.

Sa salaysay ng biktimang si Angela Vicente, 21, ng San Guillermo Street, Bgy. Karuhatan, Valenzela City, sa pamamagitan ng online ay nakipag-transaksiyon siya kay Dampil at bumili ng cell phone, sa halagang P2,800, at nakipagkita sa isang fastfood chain sa Bgy. Karuhatan nitong Marso 4.

National

Zamboanga del Norte, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol; Aftershocks at pinsala, asahan!

“Pag-uwi ko po sa bahay namin ayaw magbasa ng inilagay kong SIM card kaya nagpunta ako sa technician,” ani Vicente.

Ayon sa biktima, sinabihan siya ng technician na peke ang cell phone at hindi ito maaaring gamitin.

Agad nakipag-ugnayan ang biktima kay Dampil, na ikinatwirang maayos ang kanyang paninda at tumangging ibalik ang pera ng una.

Makalipas ang ilang minuto ay naka-block na ang biktima sa suspek at hindi na nito makausap.

Nagpasya ang biktima na gumawa ng panibagong account at iniba ang kanyang pangalan upang muling makatransaksiyon ang suspek at nagkunwaring bibili ng cell phone.

Laking gulat ng suspek nang magkita sila ng biktima sa isang gasoline station sa McArthur Highway sa Bgy. Karuhatan, pasado 2:00 ng hapon.

Sa tulong ng nobyo ni Vicente, na agad tumawag sa mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 9, matagumpay na naaresto ang suspek.