Ni LYKA MANALO
Napugutan ang isa, habang naputulan ng kamay ang ilan sa pitong nasawi sa pag-araro ng 10- wheeler truck sa isang kainan sa Diversion Road, Barangay Carsuche sa Taal, Batangas kahapon ng madaling-araw.
Ito ang paglalarawan ng helper ng eatery na si Danica Uy, 16, ng Barangay Buli, Taal, na kabilang sa apat na nasugatan sa trahedya.
Sa salaysay ni Uy, inaasikaso niya ang isa sa kanilang customer nang bigla siyang makarinig ng sigaw na, “Tabi kayo!” kasabay ng pagragasa sa kanila ng truck na may kargang tubo (sugarcane).
“Nawalan na po ako ng malay, tapos nung magising ako nasa ilalim na ako ng truck, sa tabi ng gulong,” kuwento ni Uy. “Pinilit ko pong hinila ‘yung buhok ko kasi naipit ng gulong. Gumapang po ako kasi parang sasabog po ‘yung tangke ng gasul.” Nakaratay ngayon si Uy sa Taal Polymedic Hospital, kasama ang tatlong sugatan na sina Danilo Madiclum, 59, ng Bgy. San Roque, Bauan; Bayani Muñoz, 49, ng Bgy. Aplaya, Bauan; at Orly Capuso, 35, ng Bgy. Ambulong, Batangas City.
Nasawi naman ang mag-asawang Melecio Atienza, 39, may-ari ng MJ Eatery; at Jennifer Atienza, 37; at mga helper nilang sina Chelvier Añinon, 32; Babylyn Gamo; at Susan Hombre, 57, pawang taga-Taal, Batangas.
Nasawi rin ang dalawang kumakain noon sa karinderya na sina Ricardo Tabugon, 44, funeral helper, ng Bgy. Sto. Cristo, San Jose; at Ramir Aguadi, 34, pipe fitter, ng Bgy. Sta. Rita, Batangas City.
Sa imbestigasyon ni Senior Insp. Ricaredo Dalisay, hepe ng Taal Police, dakong 5:50 ng umaga nang banggain ng Isuzu 10-wheeler truck (WBC- 768) na may kargang tubo ang nakaparadang 10-wheeler truck (WKKG-191) na may mga karga ring tubo.
Sa lakas ng bangga ay inararo ng ikalawang truck ang karinderya at bumangga pa sa limang sasakyan: Nissan Sentra (DLY-724), Racal motorcycle, BMX bike, Toyota Crown (NEV-208), at isang Isuzu L300 van (ZLG-499), na pawang nakaparada sa tabing kalsada, bago rumagasa sa mga biktima.
Ang dalawang truck ay pag-aari umano ng Evangelista Trucking na may tanggapan sa Calamba City, Laguna.