Ni DINDO M. BALARES

MARAMI ang nag-aakala, tulad namin, na sa comedy bars nahasa ang mabilis na wit at malakas na humor ni Kakai Bautista. Mali, dahil sa teatro siya nanggaling.

KAKAI copy

“Na-discover ako ni Frannie Zamora sa theater group namin sa Biñan,” kuwento ng komedyanang kinainggitan at nilamog ng bashers sa social media nang ma-link sa Thai model/actor na si Mario Maurer. “Isinama ako sa Manila, dakilang alila sa Gantimpala Theater Foundation noong una as in tagahugas ng mga pinggan, tagasulsi ng costume, hanggang sa pinag-audition ako sa Alikabok, then na-discover ng ABS-CBN.”

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Well-loved si Kakai ng mga taga-teatro. Katunayan, sa unang taping nang pumasa siya sa audition na pinamahalaan ni Laurenti Dyogi, “Dumating ang lahat ng mga kaibigan ko sa teatro, sila ang aligaga sa pag-asikaso ng mga kailangan ko sa taping.”

Kahit nakilala na sa mainstream at kinaaliwan nang husto sa Your Face Sounds Familiar at iba pang TV shows, mas hinangaan pa rin siya sa mahusay na pagtatanghal ng Rak of Aegis at iba pang theater shows.

Ngayon ay isang dekada at kalahati na sa entertainment industry si Kakai, na ipagdiriwang niya sa pamamagitan ng concert sa Music Museum sa Abril 6 (Biyernes) na pinamagatang Kakai XV: The Dental Diva 15th Anniversary Concert.

“Ayaw kong puro ako lang sa concert, gusto ko rin kasing bigyan ng tribute ang mga taong tumulong sa akin sa loob ng 15 years ko sa showbiz,” kuwento ni Kakai. “Kaya inimbitahan ko ang mga naging mentor at friends ko ‘di lang para makasama kong mag-perform kundi para manood din. Meron siyang kuwento, hindi lang siya purely pagpapatawa, meron ding lungkot. Makaka-relate sa concert kahit na anong edad. Me laslas-pulso portion.”

Special guests niya sina Maymay Entrata, JBK ng X Factor UK, ilang kasamahan niya sa Rak of Aegis na sina Pepe Herrera, Paeng Sundayan, Poppert Bernadas, Gold Villar, Jimmy Marquez, Jet Barun at Jona, produced ng FLM Creatives and Production, Inc. mula sa direksiyon ni Frank Lloyd Mamaril at si Marvin Querido naman ang musical director.

Maituturing nang achievement ang fifteen years na pananatili ni Kakai sa showbiz na napakabilis ng turnover ng mga artista. Ano ang sekreto ng longevity niya?

“Charm sa mga tao!” sabay tawa. “Hindi, puwera biro, sa ABS-CBN man o sa GMA-7, wala akong bad record. Pakikisama.

Graditude. Marunong akong tumanaw at lumingon sa mga nakasama ko. Kung minsan nga kahit ‘di ko maalala ang pangalan pero nakasalubong at namukhaan kong nakasama ko dati, ‘Hala Ate! Huwag mo akong isnabin, nagkatrabaho tayo!’

“May masasakit na karanasan. Nasigawan ka. Meron nga, binulyawan ako nang wala namang dahilan. Pero uunawain mo ‘yun. Baka naman napangitan lang sa akin. Kasi ngayon mabait na. Siguro nagagandahan na.”

So, ito ang maipapayo niya sa mga baguhan:

“Kahit hirap na hirap ka, huwag mong ipakita na hirap na hirap ka. Tiyaga lang. Kasi ‘pag nakuha mong mabilis, mabilis ding mawawala. Laging lumingon sa pinanggalingan at huwag kalimutan ang mga taong tumulong sa kanila.