Ni Jeffrey G. Damicog
Nakatakdang simulan ng bagong panel ng prosecutors ang preliminary investigation nito sa drug complaint na inihain laban kina suspected drug lord Peter Lim, self-confessed drug lord Rolan “Kerwin” Espinosa, at mga kapwa nila akusado ngayong Abril.
Magdadaos ang bagong panel ng unang pagdinig nito sa Abril 12 sa Department of Justice (DoJ) at naglabas ng subpoena sa lahat ng respondents para obligahin silang dumalo.
Binuo ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang bagong panel of prosecutors na kinabibilangan nina Senior Assistant State Prosecutor Juan Pedro Navera, Assistant State Prosecutor Anna Norren Devanadera, at Prosecution Attorney Herbert Calvin Abugan.
Ginawa ito ni Aguirre matapos ulanin ng batikos nang maglabas ng resolusyon ang dating DoJ panel of prosecutors noong Disyembre 20, 2017 na nagbabasura sa drug complaint na inihain ng Philippine National Police- Criminal Investigation and Detection Group’s Major Crimes Investigation Unit (PNP-CIDG-MCIU).
Bukod kay Lim, kabilang sa mga pinangalanang respondents sa reklamo ang self-confessed drug lord na si Rolan “Kerwin” Espinosa, convicted drug lord Peter Co, alleged drug supplier Lovely Impal, arrested alleged drug dealer Marcelo Adorco, Max Miro, Ruel Malindangan, Jun Pepito, at iba pa na kinilala lamang sa mga alyas na Amang, Ricky, Warren, Tupie, Jojo, Jaime, Yawa, Lapi, Royroy, Marlon, at Bay.
Sa reklamo ng PNP, inakusahan ang respondents ng paglabag sa Section 26(b) in relation to Section 5 (Sale, Trading, Administration, Dispensation, Delivery, Distribution and Transportation of Dangerous Drugs and/or Controlled Precursors and Essential Chemicals) of Republic Act 9165, o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ibinatay ng PNP ang reklamo nito sa sinumpaang salaysay ni Adorco na inaresto noong Hulyo 8, 2016 sa drug buy-bust operation sa Albuera, Leyte. Si Adorco ay nakatrabaho ni Espinosa.
Samantala, sinabi ni Aguirre na masyado pang maaga para hilingin ang suspensiyon ng prosecutors na nagbasura sa drug complaint laban sa grupo nina Lim at Espinosa.
Ito ang reaksiyon ni Aguirre sa rekomendasyon ng Presidential Anti- Corruption Commission (PACC) kay President Rodrigo Duterte na ipag-utos ang suspensiyon ng prosecutors na sangkot sa dismissal ng kaso.
“I could not see any basis for such complaint,” ani Aguirre, ipinaalala na nirerepaso na ang ibinasurang reklamo.
Sinabi ni PACC Commissioner Greco Belgica na inirekomenda niya kay Pangulong Rodrigo Duterte ang suspensiyon nina Assistant State Prosecutor Michael John Humarang; Senior Deputy State Prosecutor Rassendell Rex Gingoyon, na nag-endorso sa complaint’s approval; at dating Acting Prosecutor General Jorge G. Catalan, na nag-apruba sa reklamo.
Inirekomenda naman ni Belgica ang lifestyle check laban kay dating Assistant State Prosecutor at ngayo’y Lucena Judge Aristotle Reyes dahil bahagi na siya ng hudikatura.