Nina GENALYN D. KABILING, FRANCIS T. WAKEFIELD at FER TABOY

‘Genuine sincerity’ ang hinihiling ng pamahalaan sa mga komunistang rebelde para maipagpatuloy ang naudlot na usapang pangkapayapaan.

Inilatag ni Presidential Spokesman Harry Roque ang mga kondisyon para maibalik ang peace talks sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

“We reiterate that there must be an enabling environment that must be present for the desired resumption of peace talks such as genuine sincerity on the part of the CPP-NPA-NDF,” saad sa pahayag ni Roque.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“They must cease their hostilities against innocent civilians and government forces; end their extortion activities, violent streaks and wanton killings; lay down their arms and return to the fold of law and restart to live normal lives,” aniya.

Ito ang pahayag ni Roque matapos pasalamatan ang mahigit 60 mambabatas na lumagda kamakailan sa House Resolution No. 1803 na humihimok sa Pangulo na buhayin ang peace negotiations sa mga rebelde para maresolba ang ilang dekada nang sigalot.

Ayon pa kay Roque, committed ang Pangulo sa kapayapaan ngunit hindi ikinatutuwa ang pananabotahe ng mga rebelde sa peace talks.

AFP, PNP NAKAALERTO

Ipinauubaya naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pamahalaan ang desisyon para sa pagpapatuloy ng peace negotiations sa CPP-NPA-NDF.

“We leave it to our political leaders to decide on political questions and we will always follow legally mandated decisions,” ipinahayag ng AFP kahapon.

Gayunman, binigyang diin ng AFP na kailangang magpakita ng sinseridad ang CPP-NPA-NDF sa peace process sa pamamagitan ng pagtigil sa lahat ng panggugulo, kabilang na ang pananambang sa mga tropa, pananakot, pamamaslang ng mga sibilyan, pangangalap ng bagong miyembro, paggamit ng IEDs, pangingikil, arson; at lahat ng anti-peace activities na nagpapahirap sa mga komunidad.

Sinabi rin ng AFP na wala pa silang natatangap na kautusan para sa deklarasyon ng Suspension of Military Operations (SOMO) laban sa NPA na magdiriwang ng 49th founding anniversary nito sa Marso 29, 2018.

Pinansin din ng AFP ang hindi pangkaraniwan na pagdeklara ng mga rebelde ng tigil-opensiba sa Semana Santa. Iniulat kamakaialn na isang “Ka Otto”, na nagpakilalang tagapagsalita ng Guerrila Front 16 ng NPA ang nagpahayag na ihihinto nila ang mga opensiba simula Marso 29 (Huwebes Santo) hanggang Abril 1, 2018 (Linggo ng Pagkabuhay).

“We believe that such unusual declaration by the NPA is another ploy to deceive the security forces,” anang AFP, at nanawagan sa tropa na manatiling nakaalerto.

“We call on our people to be wary of the pattern of deception of the communist NPA terrorists; to be proactive and to be part of the conscious effort to deny them of the chance to regain strength.”

Sinseridad din ng mga rebelde ang nais makita ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa bago ituloy ng pamahalaan ang peace talks.

Idiniin ni Dela Rosa na hangad ng security sector ang pangmatagalang kapayapaan at wakas sa insurgency problem ng bansa, subalit ang mahirap umano sa NPA ay ginagamit ang usapang pangkapayapaan at ceasefire declaration para magpalakas at mangalap ng mga bagong miyembro.