NABUHAYAN ang kampanya ng Marinerong Pilipino para sa outright semifinals berth nang patalsikin ang Perpetual Help, 78-66, kahapon sa PBA D-League Aspirants’ Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Nakisosyo ang Skippers sa Centro Escolar University at Akari- Adamson sa liderato tangan ang parehong 8-2 marka.

Para makuha ang No.1 spot, kakailanganin ng Marinerong Pilipino na magwagi sa final elimination-round game kontra Che’Lu Bar and Grill-San Sebastian at magdasal na mabigo ang Scorpions at Falcons sa kanilang huling laro.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nalaglag ang Altas tulad ng Jose Rizal University, AMA Online Education at Batangas-EAC na pawang may 3-7 karta.

Nanguna si Alvin Pasaol sa Marinero na may 15 puntos, walong rebounds at dalawang assists, habang kumana si Gab Banal ng 15 puntos, limang boards at apat na assists.

Nag-ambag sina Billy Robles at Vince Tolentino ng tig-10 puntos.

“Nung halftime we just talked to the players and reminded them na Perps is not just gonna lie down. We need to work hard here,” sambit ni Marinerong Pilipino coach Koy Banal.

Umabante ang Skippers sa 53-43 sa third period, ngunit nagawang makahabol ng karibal sa 61-56. Tuluyang nakaalagwa ang Marinero mula sa three-point play ni Pasaol kasunod ang lay up ni Banal para sa 66-56 bentahe.

Nagsalansan si Prince Eze ng 16 puntos at 16 rebounds para sa Altas.

Iskor:

Marinerong Pilipino (78) — Banal 15, Pasaol 15, Robles 10, Tolentino 10, Ayonayon 5, Toth 5, Babilonia 4, Eboña 4, Iñigo 3, Terso 3, Lopez 2, Tratter 2.

Perpetual Help (66) — Eze 16, Peralta 16, Charcos 14, Aurin 11, Coronel 9, Mangalino 0, Pido 0, Precillas 0, Tamayo 0, Tiburcio 0, Villanueva 0.

Quarterscores: 21-20; 35-33; 55-47; 78-66.