Ni Mary Ann Santiago
Nabahala ang Consumer Union of the Philippines (CUP) sa naging babala ng isang dalubhasa kaugnay ng sunud-sunod na pagsusulputan ng mga high-rise building, na ginamitan umano ng mga hindi de-kalidad na klase ng bakal.
Nabatid sa pagpupulong ng CUP at Association of Structural Engineer (ASEP) nitong Lunes, kasama ang ilang imbitadong inhinyero, contractor, developer at iba pa, na hindi pa umano handa ang Metro Manila sa ‘The Big One’—o sa mahigit magnitude 7 na lindol—dahil may mga gusaling ginamitan ng mga low quality quenched steel bar.
Nabigla umano si CUP President Atty. Rodel Taton sa naging pahayag ni Engr. Emilio Morales, chairman ng ASEP, na posibleng maraming istruktura ang gumuho sakaling tumama sa Metro Manila ang pinangangambahang malakas na lindol.
Kaugnay nito, nanindigan si Taton na hindi maaaring isantabi ang naturang babala dahil malaki ang pinsalang maidudulot ng malakas na lindol sa Metro Manila, at maraming buhay ang malalagay sa panganib.
Batay sa mahigit isang dekadang pag-aaral, isang formula at proseso ng paggawa ng steel bars ang natuklasan ng mga lokal na pagawaan ng bakal, at dito na nagsulputan ang mga tinatawag na low quality quenched steel bar, na nabigyan ng mataas na grado para sa structural application.
Quenching ang tawag sa pagpapalamig o pagtunaw sa hot steel bar, at ito ay pumasa sa Bureau of Philippine Standard (BPS) ng Department of Trade and Industry(DTI).
Ngunit sa ginawang test ng BPS, nakaligtas sa kaalaman nito na hindi maaaring isalang ang quenched steel bars sa welding at galvanization, o kaya ay baluktutin at pagsamahin gamit ang mainit na bagay.