Ni Leandro Alborote
TARLAC CITY - Nakaharap ngayon sa kasong child trafficking ang isang 32-anyos na ginang matapos umanong ipagbili ang sarili niyang anak sa Zone 1, Barangay Trinidad, Tarlac City, nitong Lunes ng gabi.
Ang pagbebenta sa bata ay na-monitor ni Carolyn Serrano, 57, nakatalaga sa Tarlac City Social Welfare and Development Office (CSWDO), at kinilala ang suspek na si Mary Ann Ganzon, tubong Montalban, Rizal, at residente ng Barangay San Roque, Tarlac City.
Napag-alaman na limang buwan pa lamang ang sanggol nang ibenta sa isang mag-asawang taga-Bgy. Barangay Talaga, Capas, sa halagang P12,000.
Nauna rito, kinausap umano ng suspek ang isang Edelyn Sese tungkol sa ibinebenta niyang anak dahil sa personal na dahilan, hanggang sa makipag-ugnayan sa mag-asawang Rivera.
Sumang-ayon naman ang mag-asawa na bibilhin ang sanggol at nagkaroon ng kasulatan sa pagitan ng mga ito at ng suspek.
Dahil labag sa batas ang pagbebenta ng bata, o child trafficking, nakialam ang CSWDO, at nagsimula na rin ang imbestigasyon ng Tarlac City Police laban sa suspek.