Nina AARON RECUENCO at ORLY L. BARCALA

Matapos sibakin sa puwesto ang hepe ng Caloocan City Police na si Senior Supt. Jemar Modequillo, dalawa pang station commander ang sinibak, ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO).

Ayon kay NCRPO Regional Director Oscar Albayalde, itinalaga niya bilang officer-in-charge (OIC) ng Caloocan City Police, kapalit ni Modequillo, si Sr. Supt. Restituto Arcangel dahil sa hindi naresolbang mga kaso partikular na ang pag-atake ng riding-in-tandem sa lungsod.

Matatandaang inilunsad ng Philippine National Police (PNP) ang pinaigting na kampanya laban sa riding-in-tandem dahil na rin sa hinala ng publiko na pulis ang mga ito.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nabatid na tumagal ng anim na buwan sa puwesto si Modequillo matapos sibakin si Senior Supt. Chito Bersaluna, kaugnay ng pagkamatay ng mga teenager na sina Carl Angelo Arnaiz at Kian Lloyd delos Santos.

Samantala, sinibak din ng NCRPO chief ang station commander na si Supt. Amante Daro, ng Manila Police District- Station 10, na may hurisdiksiyon sa Binondo at sa Divisoria.

Papalitan si Daro ni Supt. Julius Domingo.

“The problem with them (Modequillo and Daro) is that they did not exert even a little effort to inform me (of unresolved cases),” giit ni Albayalde.

Aniya, bigo rin ang dalawang police commander na lutasin ang mga kasong kinasasangkutan ng riding-in-tandem bukod pa rito na hindi inimpormahan ang NCRPO kaugnay ng mga insidente at ang progreso ng mga kaso.

Tinanggal din ni Albayalde sa puwesto si Supt. Christian dela Cruz, station commander ng Quezon City Police District-Station 10 sa Kamuning, dahil naman sa pagkabigong gampanan ang kanyang tungkulin.

“He was included for having a filthy police station,” diin ng NCRPO chief.

Ipinauubaya ni Albayalde kay QCPD chief, Supt. Guillermo Eleazar ang desisyon kung sino ang ipapalit kay dela Cruz bilang station commander.