Ni PNA
NASA Pilipinas na ang isang internationally-accredited Halal certifier, na magkakaloob ng oportunidad sa mga kumpanyang Pilipino na makapagpadala ng mga produkto sa United Arab Emirates (UAE) at iba pang bansang Islam.
Sa Dubai nakadestino ang Halal certifier Prime na nagkakaloob ng quality and compliance solutions sa Middle East at North Africa. Binuksan ang branch nito sa Maynila sa unang bahagi ng taon matapos aprubahan ng Department of Trade and Industry (DTI).
Ayon kay Prime CEO Mary Jane Alvero, sa pagpasok ng kumpanya sa bansa ay makapagpapabawas sa gastsuin ng mga Pilipinong kumpanya na nagnanais pasertipikahan sa isang internationally-accredited Halal certifier ang kanilang produkto, lalo na kung ipinapadala ang kanilang produkto sa mga bansang Islam.
Hindi bababa sa isang milyong piso ang kinakailangan ng isang kumpanya upang makakuha ng sertipikasyon mula sa Halal certifier sa UAE.
Ayon kay Alvero, hindi madaling makakuha ng sertipikasyon sa Halal dahil napakaraming proseso bukod pa sa patuloy na surveillance, inspections, at surprise audit upang masigurong sinusunod ang mga regulasyon.
“There should be continuity. Di sila pwede pabayaan after certifying them,” sabi ni Alvero.
Kasalukuyang inaasikaso ng Prime ang sertipiko ng limang Pilipinong kumpanya na nais magpadala ng produkto sa UAE at Middle East, dalawa sa mga ito ay ang CNH Cosmetics at Mamasita. Mayroon ding mga kumpanya na nakikipagnegosasyon sa Prime para sa sertipikasyon dahil ito lamang ang international Halal certifier na nasa Pilipinas.
Umaasa si Marilou Ampuan, pangulo ng United Islamic Center Foundation, na ang national standards sa Halal certification scheme ay ilulunsad sa Mayo.
Aniya, handa na ang Department of Trade and Industry (DTI)-led team na ilunsad ang national standards.
Sinabi ni Ampuan, na siya ring Halal committee chair ng Tourism Congress of the Philippines, na ang DTI ang nangungunang ahensiya sa Halal Board, na binuo nang naaayon sa Republic Act No. 10817, na Act Instituting the Philippine Halal Export Development and Promotion Program.
Pinamamahalaan ng DTI ang Board, at ang National Commission on Muslim Filipino (NCMF) ang vice chair.